Kamakailan lang ay nagkaroon ng malaking usapin ang taong bayan tungkol sa bagong polisiyang ipinatupad ng Kagawaran ng Edukasyon hinggil sa bagong mukha ng edukasyon sa Pilipinas. Sa pangunguna ng Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon at Ikalawang Pangulo ng Pilipinas Sarah Duterte-Cario. Maraming katanungan at kurukuru ang mga mag-aaral, guro, magulang at ang ibang netizen tungkol sa usaping ito.
Ano nga ba ang K-10 o Kinder to Grade 10 curriculum na ito? Wala na nga ba ang K-12 curriculum o Kinder to grade 12?
Matatandaan natin na noong 2013 ay ipinatupad ang batas na RA 10533 o mas kilala sa tawag na “K-12 Curriculum”, sa Kagawaran ng Edukasyon o ang DepEd sa ilalim ng pamumuno ang yumao at dating Pangulong Benigno “Noynoy” S. Aquino III. Ito ay pagpalit sa dating kurikulum na magmumula sa baitang isa at magtatapos sa ika-apat na taon sa hayskul o 4th year at pagkatapos niyon ay maaari nang simulan ang pag-aaral sa kolehiyo. Samantala, sa batas na RA 10533 o K-12 ay kinakailangang magsimula ang lahat sa Kinder, susundan ng baitang isa hanggang baitang sampu at pagkatapos nito ay hahakbang ang mga mag-aaral sa senior high school upang mag-aral pa ng dalawang taon na tatawaging Grade 11 at 12 upang pag-aralan at paghandaan ang kanilang landasin pagdating sa kolehiyo o kung sila man ay magtatrabaho na pagkatapos ng Grade 12 gamit ang mga Vocational Courses.
Ngunit may bagong usapin ang umusbong. Bago na ba ang kurikulum ng Edukasyon sa Pilipinas, pinalitan na ba ang K-12 ng K-10?
Ang sagot ay hindi, magpapatuloy pa ang K-12 kurikulum, dahil ang K-10 na usapin ngayon ay nakapaloob lamang sa kabuuan ng K-12. Layunin lamang ng Kagawaran ng Edukasyon na baguhin o ayusin ang matagal nang sistema sa kinder hanggang grade 10 tungkol sa mga asignatura nito. Halimbawa sa Unang baitang o sa Grade 1 ay aalisin na ang Mother-tongue subject nito dahil nagmumukhang inuulit o redundant lamang ang asignaturang Filipino sa panahon na itinuturo ito. Ngunit sinasabi pa rin ng Kagawaran na maaari pa ring gamitin ang unang wika o ang first language bilang daluyan ng pagtuturo.
Mababawasan ang kinagisnang maraming asignatura mula Baitang 1 to 3 maging sa iba pang mga baitang. May mga papalitan at may mga pagsasamahing mga asignatura upang sa gayon ay magbigay ito ng tulong hindi lamang sa mga bata kundi pati na rin sa mga minamahal at magigiting nating mga guro. Halimbawa na lamang ang P.E. at Araling Panlipunan sa mababang baitang ay pagsasamahin na at gagawin na itong MAKABAYAN. At ang pinakamahalaga sa lahat ay ang pagbabalik ng GMRC o Good Moral and Right Conduct upang iturong muli sa mga mag-aaral at maibalik ang magandang asal o kaugalian ng mga bata sa panahon ngayon.
Ang senior high school ay hindi tatanggalin at hindi pa babaguhin dahil sa bago pa ito. Ipagpapatuloy pa ang paghuhubog, paghahasa, pagsasanay at pagpapagaling sa mga mag-aaral gamit ang mga praktikal na pagsasanay sa SHS tungo sa paghakbang nila sa kolehiyo.
Atin pang siyasatin, himayhimayin ang bagong mukha ng Edukasyon sa Pilipinas. Bigyan nating daan ang bagong polisiyang ito. Naway maging maganda ang bunga ng gawaing ito at magresulta ng magandang epekto sa ating bansa.
By: Rheymon C. Cortez|Teacher I|Tapinac Senior High School |Olongapo,Zambales