Hindi Kita Susukuan

Napapaisip ako kung paano ko sisimulan ang aking kwento. Sa umpisa, medyo nangangapa pa ako paano ko ilalahad ang lahat. Nagtapos ako ng kursong ComSci na ang pangarap ay magtrabaho sa isang magandang kumpanya ngunit ‘di ko inaakalang dadalhin ako ng tadhana sa pagtuturo. Naisip ko na lang na siguro may plano Siya para sa…


Napapaisip ako kung paano ko sisimulan ang aking kwento. Sa umpisa, medyo nangangapa pa ako paano ko ilalahad ang lahat. Nagtapos ako ng kursong ComSci na ang pangarap ay magtrabaho sa isang magandang kumpanya ngunit ‘di ko inaakalang dadalhin ako ng tadhana sa pagtuturo. Naisip ko na lang na siguro may plano Siya para sa akin kaya Niya ako dinala sa propesyon ng pagtuturo. ‘Di ako nagdalawang isip na tanggapin ito at mabilis ko ding minahal ang aking trabaho.

Nag-umpisa ako sa isang pribadong paaralan na halos lahat ng kailangan, gamit at sabihin na natin kaginhawahan ng pagtuturo ay naroon. Ang mga mag-aaral ay may mariwasang pamumuhay na hindi mo halos makikita na may mga problema sila. Halos labing-apat na taon akong naglingkod dun, sa madaling salita, minahal ko ang pagtuturo sa paaralang iyon. Ngunit dumating ang araw na pinagreresign na ako ng aking asawa dahil nais niya na mamirmihan na ako sa bahay para asikasuhin ang aking mga anak, kumbaga’y “fulltime nanay”. Umabot din ng 2 taon akong fulltime nanay, pero hinahanap ng puso ko ang trabaho ng pagiging guro.

Sinubukan kong mag-apply sa Bataan National High School Senior High School bilang isang guro, ngunit hindi ito alam ng aking asawa. Sabi ko sa sarili ko kapag kalooban ni Lord ang pagpasok ko dito makakapasa ako pero kapag hindi naman alam ko may plano siya para sa akin. Hinintay ko ang resulta ng RQA at laking gulat ko nakasama ako at isa ako sa natawagan. Laking pasasalamat ko kay Lord kasi alam ko siya ang nagkaloob sa akin nito. Muli humingi na naman ako sa Kanya ng gabay kung paano ko sasabihin sa asawa ko.  Kasi yan pa ang isang problema, paano ko kaya ipapaalam sa asawa ko?  Syempre inumpisahan ko sa kadramahan ko, sabi ko “Love, pwede ba akong magturo ulit?” Sabi niya nama’y “Gusto mo pa bang bumalik?” Bilis kong sasagot ng “Oo love, kasi namimiss ko!”, ang sabi lang niya “sige, subukan mong mag-apply.”  Nangiti ako at sabay sabi sa kanya “Salamat love, tanggap na ako!”  Buti na lang at maunawain siya.

            Pagpasok ko sa gate ng BNHS, kitang kita ang ngiti sa mga labi ko dahil DREAM COME TRUE kasi sa  tuwing dumadaan ako sa highway lagi kong sinasambit sa isip ko, “Kailan kaya ako makakapagturo diyan?” pero sa tulong ng Maykapal natupad din sa wakas. Akala ko kapag pumasok na ako sa BNHS natupad na ang mga pangarap ko, pero mali pala ako, dun palang pala magsisimula.

Unang taon ko sa pampublikong paaralan magturo, ang laking pagbabago, yun palang sinasabing “culture shock” ang tindi talaga.  Tanda ko pa kung yung unang pagpasok ko nakangiti ako pero nung pag-uwi umiiyak ako as in talagang hagulgol at sinasabing “Hindi ko yata kaya!”  Nakakahiya man sabihin pero totoo. Sinabihan ako ng nanay ko na “Kaya mo yan, ‘di bibigay ni Lord yan kung ‘di mo kaya.” Iyon na lang ang pinanghawakan ko.

Nagsimula na ang pasukan, unti-unti nang nakikilala ang isa’t isa, mga bagong kaibigan (co-teacher) at syempre ang mga bata (estudyante). Nangangapa pa ako sa mga ugali ng bawat isa pero salamat at madali ko din itong napag-aralan at nai-adjust ang sarili ko. Kailangan kasing mag-adjust kundi sigurado lalamunin ka ng lungkot at takot.

Sa isip ko ‘di mawala ang pagkukumpara sa dati kong pinasukan, dun kasi kumpleto ang lahat, pero sa kasalukuyang pinaglilingkuran ko ‘di man kumpleto pero kailangan maging magaling ka dahil halos lahat kapos. Pasensiya na sa nasabi ko pero nagpapakatotoo lang ako. Dito ako nachallenge sa mga nararanasan ko kaya tama nga ako, dito pa lang nagsisimula ang pangarap ko na kailangan kong matupad upang mapatunayan ko sa sarili ko na isa akong tunay na guro.

Ayaw ko pang wakasan ang aking kwento dahil alam ko umpisa pa lang ‘to sa mga pangarap ko na unti-unti at nadadagdagan pang dumami para makapagbigay ng aral, pag-asa sa buhay, at gumabay sa mga bata na maging mabuting mamamayan.  Alam ko sa sarili ko na hindi lang ang mga aralin ang natutunan at babaunin ng mga bata sa akin kundi pati ang pagbibigay ng TUNAY na PAGMAMAHAL na nagmula sa PUSO na tiyak na naramdaman nila mula sa akin na bilang pangalawang magulang nila dito sa paaralang aking pinaglilingkuran.

By: Gloperlyn D. Chavez | Teacher II | Bataan National High School-Senior High School | Balanga, Bataan