Sabi sa isang tula, ”Maging maingat tayo sa ating mga iniisip dahil ito ang huhubog sa ating salita. Maging maingat sa ating mga salita, dahil ito ay nagiging gawa. At maging maingat sa ating mga gawa dahil ito’y ating makakasanayan.”
Tayo bilang mga guro ay may gawain na dapat paghusayan at dapat ipakita ang pinakamaganda ngunit hindi natin ito ginagawa, kasi nga nakasanayan na. Bukambibig na nga natin ang ”Dati naman na iyan bakit kailangan pang baguhin? “Puwede na iyan!”
Kung gusto natin na magkaroon ng magandang epekto ang ating pagtuturo dapat iyong buong puso at buong husay na ang ibigay. Hindi ito madali, dahil ito ay nangagailangan ng matinding pagsisikap, hindi lang minsan kundi palagi hanggang maging bahagi na ng ating kultura. Kung napapagod na tayo sa trabaho dahil bukod sa pagtuturo ay napakarami pang nakaatang na dagdag trabaho, kailangan na nating baguhin ang ating pag-iisip. Mapalad tayo dahil nabigyan tayo ng pagkakataong makapaglingkod sa ating kapwa kaya’t buong puso nating tanggapin ang hamon at lalo pa natin itong paghusayan.
Bawat araw ay isang blangkong pahina ang ibinibigay sa atin ng Diyos upang isulat natin ang ating gawain nang may kahusayan. Ang mabigyan ng parangal ang ating Maykapal ang gawin nating pinakamagandang motibasyon at inspirasyon sa ating gawain. Huwag kailanman mapagod na magbigay nang mahusay na serbisyo at gumawa ng mabubuting gawain, dahil sa katagalan, may magandang ibubunga ito sa ating sarili, mga kasamahan sa trabaho, sa ating organisasyon at higit sa lahat sa mga batang tinuturuan natin.
Mahirap ang trabaho ng mga guro pero mas mahirap ang walang trabaho kaysa naman sa magtrabaho ka maghapon na nakabilad sa sikat ng araw. Ang mahusay na guro ay natatandaan at binabalikan ng mga estudyanteng kanyang naturuan. Kaya kung anong trabaho meron tayo, mahalin natin at gawin nang ubod husay. Ito ay magiging magaan na tila ba ito ay hindi isang trabaho kundi isang kasiyahan.
Ang pinakamagandang panahon upang magsimula ng isang mahusay na trabaho ay ngayon na! Huwag ng ipagpabukas pa! Magtrabaho hanggang makasanayan ang hindi lang “puwede na” kundi ‘yong “puwedeng puwede na talaga.”
By: Rufina Ramos | School Principal III | Bo. Central Elementary School | Balanga City, Bataan