Sa araw-araw na ginugol ko sa paaralan bilang isang guro, aking natutunghayan ang bawat istorya ng bawat kabataan na iba’t iba ang pinagmulan. May mga maharlika, meron din namang mga dukha. Mayroon ding mga estudyanteng subsob sa kwaderno at pagkopya ng sinulat sa pisara habang ang iba sa likuran ay nagkukwentuhan sa mga iniidolo nila.Sa kabilang banda naman ay may ilang grupo na nagbibigay sa bawat guro nila ng mga nakakatawang bansag at ang ilan pa nga ay ginagaya ang kanilang pananalita at pagkilos.Tunay ngang sila ay may iba’t ibang kulay, ugali, at isip. Ngunit bilang guro, tila sa isang aspeto sila nagkakapareho- ang pagkubkob sa basag nilang mga puso.
Sa likod ng napakalakas nilang tawanan dahil sa biruan at mga kalokohan, sa bawat ngiti ng labi habang ako’y binabati tuwing umaga, at sa bawat kilos at salitang binibitiwan, naririnig ko ang mga katagang, “Ma’am, kailangan kita.”
“Kailangan ko ng kausap, pagkat sa bahay ako lamang mag-isa ang palaging naiiwan. Walang makausap, walang masandalan. Pag-alis ng bahay tulog pa si Mama, pagbalik ko naman wala pa rin si Papa. Pakiramdam ko ay ako na lang mag-isa sa buhay kahit ako ay may matiwasay na buhay.”
“Ma’am kailangan kita. Kailangan ko ng may makikinig sa akin sapagkat wala akong baon ngayong araw. Sabi ni Nanay hindi pa raw nakakabale si Tatay at kailangan pa naming ng pera upang maipagamot si Kuya.Labis na naghihinagpis ang aking damdamin sa aking kalagayan”.
“Kailangan ko ng makikinig sa problema ko at payo para masolusyonan ito. Gusto ko kasi ng ibang kurso ngunit ayaw naman ng mga magulang ko. Hilig kong magturo sa mga bata, pero sabi ni Daddy mag-inhinyero raw ako sapagkat malaki ang sweldo. Saan nga ba ako kukuha ng lakas ng loob upang sabihin sakanilang hindi ko hilig ang Math?”
Hindi maikakaila sa mga batang ito ang pangamba at takot sa lipunan-takot na pagtawanan, pagalitan, kutyain at mabalewala. Bilang guro, kahit di sambitin ang mga salitang ito, dinig ko ang nagsusumigaw nilang puso na nagsasabing,” Ma’am, tulungan mo ako.”
“Sagipin mo ako Ma’am, sa kalungkutan kong ito na hindi ko mawari kung paano mapapawi. Minsan sa gabi nakikita ko na lamang lumuluha ang aking sarili sa sakit na nararamdaman ko. Bawat sugat kasi ay hindi pa naghilom mula ng maghiwalay ang magulang ko. Pinili kasi ng aking ama na sumama sa piling ng iba.”
“Ma’am tulong po, hindi ko maintindihan ang sarili ko- kung ano ba ang gusto ko at kung ano ba talaga ako. Sawa na akong pagtawanan ngaming kapitbahay sa hitsura kong hindi matanggap ng lipunan. Bakit daw ako nagsusuot ng blusa at palda kung ang bigote at balbas ko ay mahaba?”
Sa mga imahe nilang bakas ang kalungkutan at kawalan at sa mga matang nagsusumamong kailangan nila ng liwang at paggabay, ito naman sana ang kanilang maunawaan at mapakinggan.
“Anak, batid atramdam ko ang hinanaing ng kalooban mo. At sa araw-araw na kasama mo ako, nandito lamang ako upang damayan ka. Sa malalim na hiwa ng puso mong dinulot ng pasakit ng tao sa paligid mo, handa akong hilumin ito mula sa aking pagmamahal, pagmamahal na walang hinihinging kapalit kundi ang manumbalik ang dati mong sigla noong bataka pa. Sa lakbay mo sa buhay, mabato man at mapanganib tandaan mo na sa libu-libong taong kilala mo, may isang taong nakaalalay sa tabi mo na handa kang tanggapin ng buo, mahalin, inintindihin at ipanalangin. Nandito si Ma’am. Nandito ako.”
By: Ms. Elaine Joy R. Cruz | Teacher II | Bataan National High School | Balanga, Bataan