Bunsod ng makabagong teknolohiya, lubos na umangat ang antas ng ating pamumuhay. Maraming mga proseso at gawain ang napadali gamit ang mga makinarya. Napagaan ang maraming mabibigat na trabaho gaya ng pagbuhat ng tone-toneladang bato na kailangang iproseso upang gawing grava o maliliit na mga bato na ginagamit sa industriya ng konstruksyon. Nakatuklas at nakalikha ng mga bagong gamot na nakapaglunas sa ilang mga nakamamatay na karamdaman gaya ng tuberculosis o TB. Nagsulputan ang malalaking istruktura ng pagawaan sa mga siyudad at probinsya. Napalitan ang kabukiran ng mga nagtataasang pabrika. Lumakas ang ekonomiya.
Subalit sa lubos nating kagustuhang mapaunlad ang ating pamumuhay at sumabay sa rebolusyon ng industriyalisasyon, tila nakaligtaan nating ang kalikasan ay hindi panghabambuhay. Ito ay unti-unti nalagas, nakalbo, naabuso at nasira. Maraming suliranin ang kinakaharap nito sa kasalukuyan gaya na lamang ng polusyon o ang pagiging marumi ng kapaligiran.
Sa katunayan, may apat na uri ng polusyon. Una, ang polusyon sa lupa o land pollution. Ito ay ang pagkalat ng mga solidong basura sa lupa. Karaniwang sanhi nito ay ang pagtatapon ng basura sa hindi tamang lugar. Bukod pa dito, sa katunayan, ang landfill o isang lugar na itinatalaga ng lokal na pamahalaan bilang imbakan ng basura, ay isa ring malaking ebidensiya ng polusyon sa lupa dahil ang mga halu-laong basura na nagpatung-patong ay hindi maitatangging nakakalat din naman sa isang malawak na lugar.
Pangalawa, ang polusyon sa tubig o water pollution. Ito ay ang kontaminasyon sa anumang bahagi ng anyong tubig gaya ng lawa, ilog at dagat. Ilan sa mga contaminants ay maaring mga industrial waste na galing sa mga pabrika o pagawaan gaya ng langis, mga kemikal na tinatapon sa tubig at mga bakterya. Ang polusyong ito ay masama sa kalusugan higit na kung ito ay nainom. Ito ay maaring humantong sa iba’t ibang komplikasyon sa loob ng ating katawan na maaaring makamatay. Ito rin ay may negatibong epekto sa mga hayop na nabubuhay sa mga anyong tubig. Halimabawa na lamang, ang oil spill ay maaaring magresulta sa fish kill o malawakang pagkamatay ng mga isda.
Pangatlo, ang polusyon sa hangin o air pollution. Ang polusyon sa hangin ay nagaganap kapag nagkaroon ng alterasyon sa kemikal na katangian ng hangin gaya ng paghalo dito ng usok o mapaminsalang hangin o gas gaya ng oxides ng carbon, sulfur at nitrogen. Ang paghalo ng mga ito sa hangin ay maaaring magsanhi sa pagbuo at pag-ulan ng acid rain na nakasisira ng mga kagamitan gaya ng pagkupas ng pintura ng bubong, ng mga sasakyan, mga damit o pagkamatay din ng mga isda. Ang ilan sa mga sanhi ng polusyon sa hangin ay ang pagsisiga at pagsusunog ng mga fossil fuels gaya ng coal, oil at natural gas. Malaki rin ang epekto nito sa kalusugan dahil ito ay maaaring magbunga ng asthma at allergies.
Pang-apat, ang polusyon sa ingay o noise pollution. Ito ay anumang ingay na nakakasasama o nakasasakit sa pandinig ng tao at hayop. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang ingay na nalilikha ng eroplano, helicopter, at motorsiklo, ingay sa mga pagawaan o konstruksiyon at demolisyon, at ingay sa mga iba’t ibang lugar gaya ng konsiyerto at bar o club. Ang ating tainga, maging ng hayop, ay may range lamang ng ingay na kayang i-tolerate. Ang patuloy na pagka-expose sa mataas na lebel ng ingay ay nakasisira ng ating pandinig. Bukod pa rito, ang sobrang ingay ay maaaring magdulot ng alterasyon sa ekolohiya gaya ng paghahanap ng mga hayop ng bagong matitirahan na malayo sa ingay.
Sa lahat ng ito, makakaya pa kaya nating habulin ang unti-unting pagkalagas ng ating kapaligiran? Ang sagot sa tanong na ito ay nakasalalay hindi lamang sa kamay ng may pinakamataas na katungkulan sa buong mundo o maging ng Pangulo ng bansa kundi sa kamay ng lahat ng nabubuhay sa mundo. Sa ating mga kamay nagsimulang masira ang kapaligiran, kaya ang ating mga kamay lamang din ang makagagamot sa naghihingalo nating kalikasan.
By: Ms. Ligaya H. Morfe | T-I | Pablo Roman National High School