Sa paglipas ng bawat segundo, minuto, at oras, may pagbabagong unti-unting humuhubog at umiiral sa mundo. Pagbabago sa larangan ng agrikultura, industriya, teknolohiya, at kultura. Kasabay ng marahas na pag-agos ng panahon, natatangay at nababaon na sa limot ang ating kulturang minsan nang nagsilbing pagkakakilanlan ng bansang Pilipinas. Ang kasalukuyang kultura ng bansa, bilang nasakop na ng iba’t-ibang lahi, ay hindi maipagkaka-ilang nabahidan na rin ng kulturang banyaga. Kaya’t makikita sa henerasyon ngayon ang makabago at halo-halong wika at lenggwahe. Subalit, sa kabila ng mga kaganapang ito, nakahanap ng panibagong gamit ang wikang Filipino, ito ay ang pananaliksik. Nagsilbi ito bilang instrumento upang makasabay sa pagbabago at hindi maiwang walang kasagutan ang mga nagsisi-usbungang katanungan.
Masasalamin ang iba’t-ibang lahi, relihiyon, at paniniwala sa bansa, ngunit ang wikang Filipino ang nagsilbing tagapag-bigkis upang magkaisa ang dibersidad ng mga Pilipino. Sa kabilang dako, bilang kasama na ang asignaturang Research o Pananaliksik sa kurikulum ng edukasyon, kinakailangang gumawa o magpasa ang mga estudyante sa kolehiyo at high school ng thesis o pananaliksik. Ito ang proseso ng pagsisiyasat, pag-aanalisa, at isang pag-aaral upang makadiskubre ng makabagong teknolohiya, masolusyonan ang mga problema, at maka-imbento ng mga produkto. Kung gagamitin ang wikang Filipino, maraming pag-aaral ang mapatunayan at makadaragdag sa pag-unlad ng bansa. Gayundin, ang paggamit ng Filipino ay maaaring gamitin sa epektibong pagpapahayag at komunikasyon. Magiging mas malalim ang pag-unawa sa mga ideya na makatutulong upang mabilis na maresolba ang isang suliranin. Bilang ang karamihan ng mga lathalaing maaaring pagkunan ng impormasyon ay nakasulat sa wikang Ingles, mas maliit na porsyento lamang ang lubos na maka-uunawa nito. Nagpapatunay din na ang wika ay isang elemento at sangkap ng ating kultura na kinakailangang pahalagahan at linangin.
Mula pagkabata, itinuturo na sa sarili nating mga tahanan ang wikang Filipino, Tagalog man ito o ibang dayalekto. Sa paglipas ng panahon, habang parami nang parami ang mga kaalamang kailangang matutunan, mas kinakailangang din ang lubos na pag-unawa. Ang wikang Filipino, ang wikang ating nakagisnan, ang nagsisilbing pangunahing midyum ng pakikipagtalastasan upang maintindihan nang lubusan ang bawat detalye ng kaalaman. Kaalamang patuloy na nadaragdagan sumasabay sa pagbabago ng takbo ng ating buhay. Isang instrumento ang wikang Filipino na pinag-aaralan ng lahat upang matutunan ang tamang paggamit. Isang instrumento ang wikang Filipino na siyang bumibigkas ng mga nais ipahiwatig ng bawat isa. Isang instrumento ang wikang Filipino na naghahayag ng mga kaisipang nakatago sa likod ng mga katanungan. Nag-iisang instrumento ang wikang Filipino na magagamit nating mga Pilipino sa larangan ng pananaliksik.
By: Mr. Jesus Apostol Jr. | Teacher I | Bataan National High School – Senior High