K + Benepisyo, o K + Perwisyo

  Sa katunayan, ang Pilipinas na lamang ang tanging bansa sa Timog-Silangang Asya ang nahuhuli pagdating sa kalidad ng edukasyon. At sa kagustuhan ng ating pangulo na hindi mapag-iwanan, nilunsad niya ang  isang programa na “makakatulong” umano sa pagpapataas ng literacy rate ng ating bansa- ang K+ 12. K+ 12- Anu- ano nga ba ang…


 

Sa katunayan, ang Pilipinas na lamang ang tanging bansa sa Timog-Silangang Asya ang nahuhuli pagdating sa kalidad ng edukasyon. At sa kagustuhan ng ating pangulo na hindi mapag-iwanan, nilunsad niya ang  isang programa na “makakatulong” umano sa pagpapataas ng literacy rate ng ating bansa- ang K+ 12.

K+ 12- Anu- ano nga ba ang naiisip ng mga tao sa tuwing naririnig ang salitang ito? Isang programa na magpapasakit ng kanilang bulsa? O isang programa na magsisilbing daan upang mahubog ang kanilang mga anak na maging isang edukadong mamamayan?

Sa programang ito, ay madaragdagan ng 2 taon ang pag-aaral ng isang estudyante sa hayskul. Kaya pagkatapos ng anim na taon sa elementarya, ay isa pang anim na taon ang bubunuin ng mga estudyante upang magtapos sa pag-aaral ng hayskul.

 At dahil na rin sa hakbang na ito ng pamahalaan, ay hindi maiiwasan na ilang mga magulang ay mag-alala ukol sa kahihinatnan ng kanilang mga anak.Ang iba sa kanila’y nawawalan na ng pag-asa na makatatapos pa ang kanilang mga anak dahil sa tagal ng panahon na gugugulin ng mga ito sa pagsusunog ng kilay.

Paniguradong hindi lang ulo ang sasakit sa kanila kundi pati ang kanilang mga bulsa sa kababayad ng mga gastusin sa paaralan. Biruin mo, sa loob ng anim na taon ay hindi mapapahinga ang iyong isip at bulsa dahil sa mga gastusin at bayarin?

Kung tutuusin, malaki ang maitutulong ng K + 12 para sa ating mga kabataan na gustong umangat sa kahirapan. Dahil sa oras na maka- graduate ang isang mag-aaral, ay pwedeng-pwede na siyang mag- apply ng trabaho dahil sa kanyang mga natutunan sa pag-aaral ng anim na taon. Dahil bukod sa mga asignaturang matututunan, ay mayroon ding mga skills training silang pagdadaanan para mas lalong mahasa ang kanilang mga kakayahan. Magbubukas ito ng pinto para sa mga kabataan na nais magtrabaho at maging isang kapaki-pakinabang na tao.

Kunsabagay, dipende naman sa estudyante kung pahahalagahan niya ang mga pera at pagsisikap ng kanyang mga magulang para lang sa wala. Nasa kamay na ng estudyante kung paano  niya pahahalagahan ang pera at pagod na ibinubuhos ng kanilang mga magulang  para mapa-aral sila.

Bilang isang papa-unlad na bansa, kailangan ng Pilipinas ng mga indibidwal na mamumuno at magdadala sa ating bansa sa darating na panahon. At sa tingin ko ay malaki ang maaaring maitulong ng K+ 12 para hubugin ang mga kabataan na siyang magiging pag-asa ng bayan sa darating na panahon. Ang magagawa lang natin ay ang maghintay at suportahan sila sa kung anumang landas ang gusto nilang tahakin.

 

By: Jayson D. Castillo | Teacher I | Limay National High School | Limay, Bataan