Walang bagay sa mundo ang hindi nagbabago. Lahat ay dumadaan sa ganitong proseso upang hindi mapag-iwanan ng mabilis na pagtakbo ng panahon. Parang sa COC kailangang mag-upgrade ng mga skills upang mas mapalakas ang troop sa gagawing pagsugod sa isang clan at makakuha ng maraming trophy. Ngunit sa realidad, ang pagbabago ay hindi palaging nasa positibong bahagi. Dalawa ang maaaring kahinatnan nito, ang magtagumpay ba o ang mabigo. Sa ginawang pagtatangka ng administrasyong Aquino na baguhin ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas ay maisakatuparan kaya ang inaasam nitong hangarin? Na mapataas ang kalidad ng edukasyon at makalikha ng mga kabataang Pilipino na masasabing Globally Competitive?
Naging makasaysayan nga ang desisyon ng Pangulong Aquino nang nilagdaan nya ang batas na R.A 10533 o mas kilala sa tawag na K to 12 Enhanced Curriculum noong ika-15 ng Mayo 2013 na nag-aatas sa lahat ng mga Pilipinong mag-aaral na dumaan sa Kindergarten, anim na taon sa elementarya, apat na taon sa junior high school at dalawang taon sa senior highschool. Ayon sa Kalihim ng Deparment of Education na si Fr. Armin Luistro, ang K to 12 ay magdudulot nang magandang bunga sa mga kabataan dahil ganap na mahahasa ang kakayahan ng mga ito upang makasabay sa mauunlad na bansang may parehong pamantayan sa sistema ng edukasyon. Masisiksik sila sa kaalaman hindi katulad sa dating sampung taon lang na binubunong sa pagaaral. May punto nga naman ang kalihim dito. Sapagkat nakapaloob sa bagong curriculum ng Senior High School ang iba’t ibang kasanayang lilinang sa angking kakayahan ng mga mag-aaral. Bukod dito, ay magkakaroon sila ng ganap na kahandaan sa tatahaking kurso sa kolehiyo o maaaring sa trabaho na mismo dahil sa on-the-job-training na isasagawa ng mga magsisipagtapos sa Senior High. Kaya magkakaroon sila ng Certificates of Competency (COCs) at National Certifications (NCs) kung nasunod ang TESDA Training Regulations.
Kung titignan sa malawak na persepsyon, ang pagbabagong ito sa sistema ng edukasyon ay naglalahad ng napakagandang oportunidad lalong lalo sa marami nating kababayan na walang kakayahang magpaaral sa kolehiyo. Makapagtapos ka lamang ng Senior High ay kwalipikado ka na sa trabahong iyong nais. Ang programang ito ay isa na sa mga daang matuwid tungo sa maunlad na hinaharap na hatid ng administrasyon Aquino. Maging optimistiko na lamang tayo sa repormang ito sapagkat walang nagtatagumpay sa unang pagtatangka. Isaalang-alang ang mga hakbang na dapat maisakatuparan upang maging ganap ang ikakatagumpay nito. Sama-sama tayong lahat. Makiisa. Makipagtulungan. Sa K to 12, Bagong Curriculum tungo sa Pag-unlad.
(TALUMPATING IMPORMATIBO)
By: Jennifer S. Dominguez | Head Teacher III | JEAG MHS | Orion, Bataan