Ano ba ang K to 12? Ang K to 12 ay ang pagsisimula ng mga mag-aaral na mag-aral sa Kindergarten hanggang sa 12th grade. Ang kurilulum na ito ay naglalayong baguhin ang sisitema ng edukasyon. Sa buong Asya tanging tayo na lamang mga Pilipino ang hindi nagpapatupad ng nasabing programa. Kaya naman noong 2012, ipinatupad ng pamahalaan at ng kagawaran ng edukasyon ang K to 12 kurilulum, na naglalayong pursigihin ang mga bata na pumasok sa Kindergarten hanggang sa makapagtapos ng 12th grade sa Senior High School.
Bago pa man ipatupad ang K to 12 ay marami na ang nagsasabi na hindi pa sapat ang kahandaan ng pamahalaan maging ang Kagawaran ng Edukasyon sa pagiimplementa ng nasabing Kurikukum. Bagamat, umamin ang Kagawaran ng Edukasyon na hindi pa sapat ang kanilang puwersa ay nagpatuloy pa rin sila sa kanilang layunin na maisulong ang K to 12 program.
Sa pagpapatupad ng K to 12 kurikulum marami pa rin sa atin ang hindi sumasang – ayon dito. Ngunit ano nga ba ang tunay na layunin nito? Para sa pamahalaan, layunin nito na pataasin ang kalidad ng edukasyon sa ating bansa. Mithiin din nito na maihanda ang mga kabataang Pilipino sa pagtatrabaho, kung sila ay makakapagtapos ng Senior High School. Para kay Kalihim Bro. Arman Luistro at Pangulong Noynoy (Aquino III) ang K to 12 ay pagbibigay ng Basic Competencies na kailangan upang makapagtrabaho ang mga kabataan. Junior High School pa lamang ay maari na silang makakuha ng Certificate of Competency Level I basta mapunan nila ang mga inaasahang datos ng TESDA. Sa Senior High School Level 2 naman ay maari ng makapagtrabaho, matapos lang ang dalawang taong karagdagan sa high school.
Dahil sa pabago-bagong sistema ng edukasyon ay hindi maiiwasan na marami pa rin ang negatibo at nagtataas ng kilay tungkol sa pananaw nila sa K to 12 Program. Sabi ng iilan, ang pagpapatupad daw ng K to 12 ay upang makalikha ng mga Pinoy na maaring tutugon sa pangangailangan ng mga dayuhang bansa. Ayon pa sa iba, inilalayo raw ng pamahalaan ang usapin sa badyet ng edukasyon kung saan kapag nakatapos ng Senior High School ang mga mag-aaral ay maari na silang hindi magpatuloy sa Kolehiyo, sa gayon daw ay mababawasan ang badyet ng pamahalaan sa Edukasyon na siya rin naming pangunahing problema ng ating henerasyon sa ngayon. Ayon kay Trillanes, “Mas makabubuti para sa ating bansa kung hindi muna ipatutupad ang K to 12 Program hanggat hindi pa nasosolusyunan ang mga problema sa sistema ng ating edukasyon tulad ng kakulangan sa mga silid –aralan at kagamitan sa mga guro at ang kanilang mababang sahod.”
Nagkakaiba – iba man tayo ng pananaw sa layunin o mithiin ng K to 12 Program, sana ay para sa ikabubuti mga mag-aaral at ng mga Pilipino ang pagbabagong ito. Sabi nga ni Rizal, “Ang mga kabataan ang pag –asa ng ating bayan”, kaya sana huwag nating hayaan na pakinabangan tayo ng ibang mga bansa, patunayan natin na tayo ngang mga kabataan ang tunay na magpapaunlad sa ating Inang Bayan.
By: Jacqueline A. Tasic | Guro sa Flipino | Academy of Queen Mary | Orani, Bataan