KABATAAN, DAPAT NA BANG MANGHIMASOK SA ISYUNG EXTRAJUDICIAL KILLINGS?

Idineklara ng mga grupo ng kabataan at estudyante sa pangunguna ng Anakbayan ang Agosto 11, 2016 bilang “Day of Action” bilang pagkondena sa pagdami ng extrajudicial killings na dulot ng pakikipaglaban sa droga ng pamahalaang Duterte.  Ayon kay Anakbayan National Chairperson Vencer Crisostomo, nakikiisa ang mga iba’t ibang kabataan, estudyante, guro at ordinaryong mamamayan sa…


Idineklara ng mga grupo ng kabataan at estudyante sa pangunguna ng Anakbayan ang Agosto 11, 2016 bilang “Day of Action” bilang pagkondena sa pagdami ng extrajudicial killings na dulot ng pakikipaglaban sa droga ng pamahalaang Duterte.  Ayon kay Anakbayan National Chairperson Vencer Crisostomo, nakikiisa ang mga iba’t ibang kabataan, estudyante, guro at ordinaryong mamamayan sa pagtutol sa ganitong uri ng pagpatay na maaaring mauwi sa pagdeklara ng Martial Law.  Maraming mag-aaral sa mga unibersidad sa Kamaynilaan ang nagsagawa ng mga protesta bilang pagsuporta sa adhikaing ito.

            Ang naturang isyu ay medyo sensitibo dahil napakaraming dapat isaalang-alang bago tuluyang makapagdesisyon kung kaninong panig ang dapat kampihan.  Ngunit sa ganitong pagkakataon, wala pa rin mas matimbang kungdi ang pagpapahalaga sa buhay ng tao.  Kahit sabihing nating salot sila ng lipunan o kriminal, wala pa ring sinuman ang may karapatang kumitil nito lalo na ang hindi dumaan sa tamang proseso ng batas.  Una, ang ganitong mga pagpatay ay pansamantala lamang at hindi tunay na solusyon sa pagpuksa ng droga sa ating bansa. Pangalawa, hindi nagiging maganda ang imahen ng gobyerno kasama na rin ang kapulisan dahil sa masyadong maraming napapatay.  Pangatlo, hindi maiiwasan na mayroong mga inosenteng madadamay lalo na ang mga bata.

            Kung nais ng bansang ito na mawala ng tuluyan ang suliranin hinggil sa droga, dapat pag-aralang mabuti kung bakit nalululong sa droga ang mga user o pusher. Bigyan sila ng ibang alternatibo upang makapaghanap-buhay ng marangal tulad ng pagbibigay ng gobyerno ng mas maraming oportunidad na makapagtrabaho, sapat at tamang pasahod, makabuluhang benepisyo lalong na sa kalusugan at edukason at marami pang iba.  Dapat mapagtanto ng gobyerno na ang karahasan ay walang mabuting maibubunga.  At kung nanaisin, kayang-kaya ng pamahalaang Duterte na ipamulat sa ating mga kabataan na ang mapayapang pamamaraan ang tunay na solusyon sa mga suliranin ng lipunan.

By: Mr. Eric A. Alarcon | Master Teacher II | Bataan National High School | Balanga City, Bataan