Ang matandang kasabihan at paulit ulit na umuukilkil sa aking isipan na ang “ Kabataan ang pag asa ng bayan” ay tila yata nagiging isang malaking katanungan para sa akin ngayon. Bakit ?
Bilang isang gurong pang sekondarya, napapansin ko ang malaking kaibahan ng mga mag aaral noon sa mga mag aaral natin ngayon. Tutuong hindi tayo dapat magkumpara pero sa mga nakikita kong pagkakaiba ay hindi ko maubos maisip bkit ganito na sila ?
Hindi ko nilalahat pero karamihan sa mga kabataan ngayon ay tila nawawala na ang dating kaugalian. Nakakalimutan na ang kagandahang asal na itinuro sa atin ng ating mga ninuno. Marami sa mga magulang ng aking mag-aaral ang tila ba nagrereklamo tungkol sa pag uugali at mga gawi ng kanilang mga anak. Wari bang sila ay lubos ng tinalikdan ang mga tradisyon at kultura na ating kinagisnan. Iilan na lng sa ating mga kabataan ang nagpapakita ng paggalang, pagmamahal at respeto sa
kanilang mga magulang, sa mga kapatid, sa mga kamag-anak, guro at sa kapwa nila.
Mapapansin ito sa paraan ng pagsagot at pagtrato nila sa knilang kapwa. Marahil ito ay dala ng mga makabagong teknolohiya. Imbes na magbabad sa library, ang mga kabataan ngayon ay mas malaking panahon ang ginugugol sa computer shop na kung saan madali nilang mahanap ang mga kasagutan sa kanilang mga asignatura. Mapapansin din ang pagwawalang bahala ng ibang kabataan sa kanilang pag-aaral, na mas inuuna pa ang sarap ng buhay sa pamamagitan ng paglalakwatsa at pakikipagbarkada . Halos hindi nila mabitawan ang kanilang mga cellphone nasa paaralan man o sa kanilang tahanan, pakiwari ko’y umiikot lang ang kanilang buhay sa mundo ng teknolohiya. Kapansin pansin din ang hindi mapigilang paggamit nila ng “ earphone “ na madalas o maghapong nakasaksak sa kanilang tenga maging sa loob ng klase. Ilan lamang ang mga nabanggit na pag- uugali at karaniwang ginagawa ng ibang mag-aaral.
Sinasabing ang pag-unlad ay kaakibat ng pagbabago. Nakakatuwang isipin ito, subalit kung ang mga pagbabagong ito ay magdudulot ng ibang epekto sa tao, gugustuhin ninyo pa ba ang pagbabago ??
Sa lipunang ating ginagalawan, edukasyon ang sandata ng sinuman upang umangat sa buhay at maging isang produktibong mamamayan.
Kabataan, kabataan saan panig ka ng mundo nabibilang?
By: Mrs. JOCELYN B. ASUNCION Master Teacher I Bataan National High School