Hindi pa man ganap na sumasapit ang El Niño sa bansa ay nakakaranas na ang mga mamamayan sa buong kapuluan ng epekto ng init ng panahon. Mula sa kasaluyang mainit na kalagayan ng panahon ay samu’t-saring balita na ang ating nakakalap. Dala ng mga balitang pamamahayag ang laganap na pagkatuyo ng mga lupaing sakahan. Dahil sa labis na alinsangan ng klima ay mabilis na namamatay ang mga pananim dahil sa kakulangan ng tubig. Ang mga sunog sanhi ng mainit na panahon ay kusang nagpapaliyab maging sa mga kagubatan ng bansa na nakapipinsala sa likas nating kayamanan. Maging ang mga hayop na tumutulong sa magbubukid ay napaulat rin na nangamamatay dahil sa init at kakungalan ng tubig. Ganoon rin ang nagyayari sa mga yamang dagat kung kaya’t maging kabuhayan ng mga mangingisda ay apektado na rin.
Kung magpapatutuloy ang painit na painit na lagay ng panahon ang kalusugan ng tao sa pagsulpot ng mga sakit na dala ng tag-araw ay lubhang maapektuhan. Kapag mainit at mayroon pang kakulangan sa tubig ay asahan na ang lahat sa atin ay maaring malagay sa panganib.
Sa paglipas ng mahabang panahon at sa patuloy sa pagdami ng populasyon ng bansa ay matuwid na isipin na ang tubig ay isang pangunahing pangagailangan ng mamamayan. May mga nagsasabi na may itatagal ang isang tao mawala man ang pagkain sa katawaan subalit kapag ang inuming tubig ang naglaho ay malamang na mas maging maigsi ang buhay.
Ang malaking bilang na naragdag sa populasyon ay nangangahulugan na mas darami ang mangangailangan ng tubig sa araw-araw. Sa lumipas na mahigit na limampung taon at milyong mamamayan ang itinaas sa bilang populasyon ay malinaw na pagkukulang sa paghahanda bunsod sa pagbabago ng global na klima. Bunsod ng matinding init ay ang tag-tuyot. Hindi sapat ang bilang ng mga dam na imbakan ng tubig na magagamit sa bawa’t tahanan at irigasyon para sa mga pagkaing pananim. Kung magpapatuloy na walang kilos paghahanda na gagawin, ang pagdating ng El Niño sa taong ito at sa mga susunod pang pagkakataon ay malalagay ang buhay ng bawa’t isa sa balag ng alanganin.
Ang pagiging handaan sa maaring idulot ng kalamidad buhat sa kalikasan tulad ng El Niño ay hindi dapat na iaasa lamang sa pamahalaan. Ang bawa’t mamamayan ng bansa ay nararapat na gumawa ng marapat na kilos upang makatulong sa pamahalaan sa banda ng mga kalamidad. Gaano man kaliit ang matipid sa maayos na paggamit ng tubig ng bawa’t mamamayan ay malaking bahagi ito upang maibsan ang kakulangan ng tubig sa bansa. Ang kahandaan na nagmumula sa isang tao kapag pinagsama-sama sa kabuuan ng populasyon ay isang malaking pakinabang para sa lahat.
Ang pangunahing dahilan na nararapat na isipin ng bawa’t isa sa paghahandang ito na dapat isaalang-alang ay sapagkat tayo ang gumagamit ng tubig. Ikalawa, kapag mali ang paggamit nito ay maraming tubig ang maaaksaya tulad na lamang sa pagpapabaya na maiwanang nakabukas ang gripo. Ang hindi maagap na pagkukumpuni ng mga butas na tubo na daluyan ng tubig ay nagdudulot rin ng paghina ng suplay sa tubig na kailangan natin. Hindi rin maiiwasang punahin ang pagdidilig ng mga halaman sa kabahayan na gamit ang gomang pandilig na marami ang tubig na nasasayang. Kung susuriin ay mas matipid at mabisa pa rin ang paggamit ng kumbensiyonal na pandilig upang maiwasan ang pag-aaksaya ng tubig. Maari ring matapos banlawan ang labada ang tubig na ginamit ay maari pa ring ipanlinis at ipanghugas sa iba pang mga gamit. Mahalaga rin ang maitutulong sa konserbasyon ng tubig ang pag-iwas sa paggamit ng bukas na gripo upang linisin ang mga pinag-kainan. Sa halip ay maasahan ang mabisang gamit ng kinabihasnang tabo at palanggana upang sa tubig ay makatipid.
May El Niño man o wala, ating pakatandaan na ang tubig ay buhay. Atin itong
sinupin sa ating bawat na paggamit upang mas higit tayong magiging handa sa susunod pa at matinding init at tag-tuyot.
By: Rochelle G. Paguio| Teacher I| Filipino Department – BNHS| City of Balanga Bataan