KAHOY NA UPUAN

Kahoy na upuan, saan ba matatagpuan? Sa paaralan, iyo ba itong naabutan? Kung oo’y, patotoo kang ito’y ‘di magaan Pag payat ang bumuhat, tiyak na madadaganan Nakatutuwang isipin, napakaraming alaala Sa loob ng eskwela, marami ring istorya Kuwentong pagkakaibigan, dito halos nagsimula Ang tanong, nagwawakas din ba kaya? Saksi ang kahoy na upuan sa lungkot…


Kahoy na upuan, saan ba matatagpuan?

Sa paaralan, iyo ba itong naabutan?

Kung oo’y, patotoo kang ito’y ‘di magaan

Pag payat ang bumuhat, tiyak na madadaganan

Nakatutuwang isipin, napakaraming alaala

Sa loob ng eskwela, marami ring istorya

Kuwentong pagkakaibigan, dito halos nagsimula

Ang tanong, nagwawakas din ba kaya?

Saksi ang kahoy na upuan sa lungkot man o saya

Sa pangkatang gawain, hila hila lagi sila

Kapag may pagtatanghal, gamit na gamit din sila

Literal na sandalan ng mga estudyanteng pagod na

Minsan ding sinusulatan itong upuang kahoy

Pag nakita ng guro’y tainga’y mag-aapoy

Sabi’y gagamitin pa sa susunod na taon

Kaya’t pakiusap huwag sulatan yaon

Kung mga upua’y nakadarama lamang

Sa pagtatapos na taon sila siguro’y ‘di nalilibang

Sapagkat estudyante’y na sa kani-kanilang tahanan

Ngunit pasasaan pa’t nariyan na naman ang pasukan