Ang tao ay binigyan ng kalayaan upang gawin ang nais niya, ngunit may kalakip itong limitasyon na kung hanggang saan lamang ito maaari sapagkat may mga hindi magandang resulta ang mga ito kapag inabuso. Ang tao ay may karapatan din, gaya ng kalayaan kapag ito ay inabuso ay may hindi kanais-nais na kahihinatnatan. Upang maiwasan ang paglala ng sitwasyon ay kailangan panagutan ng tao ang kanyang aksyon.
Ang taong isinilang sa mundong ito ay pinagkalooban na agad ng karapatan ,pagkalabas pa lang sa sinapupunan ng kanyang ina , ang karapatan niyang mabuhay. Ito ay pananagutan ng kanyang magulang , aalagaan hanggang dumating sa edad na muwang na ang kanyang isipan at malaya na siyang magdesisyon para sa kanyang sarili.
Ang karapatan ay unibersal na bagay na ipinagkakaloob sa ating mga tao, kalakip nito ay ang pananagutan. Kailangan nating panagutan ang mga karapatan nating mga tao upang ito’y patuloy na manatili sa atin at maging mabuti tayo sa ating kapwa. Katulad na lamang ng karapatan na magsabi ng kanyang nais ipahayag. Karapatan, na kung walang pananagutan ang tao sa kanyang mga salita ay makakasakit siya ng damdamin ng kanyang kapwa. Hindi na inisip ng tao ang kanyang aksyon, sapagkat wala namang mangyayari sa kanya kung magsasalita siya ng di kanais-nais.
Ang karapatan at pananagutan ay parehas na ipinagkakaloob sa mga tao, sapagkat hindi maaari na iisa lamang ang maghari sa mga aksyon ng tao. Ang tao ay nilalang lamang na nagkakamali at natututo sa mga ito, kung hahayaan lamang sila sa karapatan nila ng walang pananagutan ay may pagkakataon na ito ay abusuhin at magresulta ng mga kaganapan na walang nagnanais. Upang maiwasan ang mga ito, ginawa ang pananagutan, para maging kalakip na kontrol at limitahin ang aksyon ng tao kung saan hindi niya maabuso ang karapatan niya. Ang karapatan na binigay sa’tin ay hindi lamang nagtatapos sa sarili natin, kasama na dito ang iba pang tao sa ating paligid na siya namang ating pananagutan.
By: Ms. Catherine T. Acuzar | Teacher I-Filipino | Bataan National High School