Marami ang naghahangad na maging isang guro sa iba’t-ibang kadahilanan. Ngunit lingid naman sa iba, ang isang huwarang guro ay inaasahang magtagalay ng dignidad at reputasyon at maging modelo sa lahat ng bagay. Siya ay handa sa kanyang mga aralin na ibabahagi sa kanyang mga tinuturuan sa araw-araw. Siya ay malingap, maunawain, walang paboritismo, at marami pang mga katangian ang kanyang taglay na sapat upang siya ay tanghaling isang huwarang guro.
Ang isang guro ay isang motivator, nabibigyan niya ng inspirasyon ang mga mag-aaral upang pag-ukulan ng pansin ang mga paksang pinag-aaralan. Nagbibigay pansin sa mga bagong paksang tinatalakay. At higit sa lahat siya ay may mataos na hangarin na makatapos sa pag-aaral at makamit ang kanyang mga pangarap.
Ang isang mabuting guro ay isang tunay na lider, naipapakita niya ang mga karapat-dapat na kilos ng isang tunay na pinuno, sa gayon ang mga mag-aaral ay naisasapuso niya ang magandang katangiang ito.
May mga napipiling mga namumukod tanging mga guro taon-taon sa bawat paaralan, sila ang napipiling mga huwaran o dakilang guro, dahil taglay niya ang mga katangiang nabanggit. Ngunit papaano ba ang mga paraan upang tanghaling isang dakilang guro?
Alam nating bawat guro ay taglay na ang mga katangiang ito. Ngunit marahil ay may mga iba pang mga katangian na dapat taglayin .Tunghayan natin ang mga katangiang ito.
Kailangan ng isang guro ang mga proseso ng mabuti at mahusay na interaksyon sa mga kanilang pinuno at mga kasamahang guro. Sa larangan ng pagtuturo ay kailangang may pakialam ka din sa mga kasamahang mga guro. Kilala mo ang bawat isang kasamahan, na kayo ay konektado sa isang organisasyon.
Ang isang mabuting guro ay hindi lumiliban sa mga araw ng pagtuturo kung hindi kailangang-kailangan. Siya ay punctual o palagi siyang maaga kung dumating at kung uwian naman ay nakahanda na ang kanyang gagamitin sa pagtuturo kinabukasan. Ang huwarang guro ay may masteri sa kanyang mga tinuturo, dahil pinga-uukulan niya ito ng panahon bago siya magturo.
Kailangang may kaalaman at may masteri sa child psychology ang isang guro, ng sa gayon ay lalo niyang makilala at makilatis ang bawat mag-aaral na siyang kailangan upang magamit niya ang mga tamang istratehiya sa pagtuturo at kaniyang maipakita na siya ay may likas na pagmamahal sa mga mag-aaral. Handa niyang tulungan ang mga bata, lalung-lalo na ang mga batang may kahinaan sa klase.
Ang isang mabuti at mahusay na guro ay lagging may panahon na humanap o gumawa ng inobasyon para sa pagunlad ng performans ng isang bata. Lagi siyang handa para sa kapakanan ng mga bata. Kakakitaan mo din siya ng makasining at malikhaing pagtuturo gamit ang iba’t-ibang kasanayan.Handa siyang tumulong upang umunlad ang academic performance at achievement level ng mga mag-aaral ganoon din ng paaralan.
Gumagamit siya ng mga inobasyon upang lalo pang mapaunlad ang kurikulum. At higit sa lahat naipapakita niya ang takot at pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan ng mga kapuri-puring gawain at pagkilos.
Kaya mga guro, taglay mo ba ang mga katangiang ito, kung wala pa o kulang pa, handa ka bang mapasaiyo o taglayin ito para sa kapakanan ng mga mag-aaral?
Sanggunian:Corpuz B. & Salandanan G. Principles of Teaching Lorimar Publishing Inc.- Cubao,Q.C (2007)
By: Lilian L. dela Rosa | Teacher III | Samal National High School | Samal, Bataan