Kayninong Pananagutan

Sa bawat mag-aaral na matatanong mo kung ano ang dahilan ng kanilang pagpasok sa eskwela isa lang karaniwan ang isasagot nila, ang matuto. Subalit kung sisegundahan mo ang iyong katanungan kung ano ang nais nilang matutunan, mapapansin mong bantilot ang kanilang isipan. Pakiwari mo’y di ganap ang intensyon kung ba’t sila nasa paaralan. Dahil ang…


Sa bawat mag-aaral na matatanong mo kung ano ang dahilan ng kanilang pagpasok sa eskwela isa lang karaniwan ang isasagot nila, ang matuto. Subalit kung sisegundahan mo ang iyong katanungan kung ano ang nais nilang matutunan, mapapansin mong bantilot ang kanilang isipan. Pakiwari mo’y di ganap ang intensyon kung ba’t sila nasa paaralan.

Dahil ang buhay ay patuloy na sirkulo, kailangang mag-aral ng kindergarten para mapaghandaan ang elementarya, kung ba’t nag-elementarya ay upang paghandaan ang sekondarya, kung ba’t nagsekondarya ay upang mapaghandaan ang kolehiyo at kung ba’t nagkolehiyo ay upang maging handa sa pagharap sa mundo. Ang iba pa nga’y upang lubos pang masakyan ang hamon ng buhay ay nagsisipagtapos pa ng Masters at Doctors degree. Subalit paano naman ang karamihan. Napansin ninyo bang parami na ng parami ang mga kabataang di nagsisipag-aralan. Ang mga kabataang maagang nalulong sa bisyo at kamunduhan. Pabago na nga ng pabago ang mundo, higit sa lahat ang hamon sa mga kabataan kung papaano mapanghahawakan ang paniniwalang sila ang pag-asa ng bayan.

Ano ang bahaging magagawa mo sa pag-agabay sa mga kabataang nalilihis ang takbo. Nagiging sapat ba ang pag-agapay ng mga magulang. Bakit may iilang, kung makasinghal ang kanilang mga magulang ay di alintanang sila ay anak lamang. Kung ikaw ang nasa ganitong kalagayan paano mo ito susolusyonan. Bakit may iilang mga gurong tila mapatid na ang litid mahulma lamang sa tamang anggulo ang mga mag-aaral na kanilang pananagutan, subalit di pormado pa rin ang kinalalabasan. Mayroon ba silang pagkukulang. Bakit may barangay tanod na nag-iikot at itinataboy ang mga kabataang magdamag ang tambayan, subalit pagnakaraan sila’y muling naglalabasan.

Sa huli dahil ang mga kabataan ay wala pa sa hustong gulang ang lahat ng sisi ay doon sa mga taong dapat sa kanila’y may pananagutan. Di maibalik sa mga kabataang silang may kagagawan ng liko-lokong landas na kanilang pinatutunguhan.

Ibang iba na ang panahon sa kung ano tayo noon at kung ano sila ngayon. Nawa’y kung paano tayo pinalaki n gating mga magulang noon, kung paano tayo ginabayan ng mga guro noon, kung paano tayo pinamunuan ng mga opisyales noon ay epektibo pa rin ngayon. Habang gumagaan ang batas para sa kabataan lalo atang lumalala ang kanilang kinahihinatnan.

 

 

By: Elvis Trinidad Malang | Teacher II | Pablo Roman National High School | Pilar, Bataan