Hindi maikakaila na sa kasalukuyang panahon ay napakaraming hamon ang kinakaharap ng mga guro tungo sa epektibong pagtuturo gamit ang Wikang Filipino.
Sa panahon ngayon, napakaraming sagabal upang maikintal sa mga mag-aaral ang magaan at epektibong pakikipagkomunikasyon gamit ang sariling wika.Hindi magkamayaw ang mga makabagong paraan sa pangangalap at paghahatid ng impormasyon mula sa mga gadgets hanggang sa internet gamit ang social media na nakakaapekto sa paggamit ng mga salit at maging sa pagbigkas. Maraming nabubuong salita mula sa ibang wika na pilit itinutumbas sa sariling wika na nagbubunga ng kalituhan sa pagbaybay at pagbasa.
May mga positibong gamit ang makabagong teknolohiya sa paghahatid ng impormasyon. Mas nakakatipid, nagiging organisado at nagbubunga ng pagiging malikhain. Gumaganyak ito na handang makipagsabayan ang mga guro sa iba’t ibang estratehiya sa pagtuturo. Lumalawak ang mundo ng isang mag-aaral dahil sa mga nabanggit na kagamitan na hindi agad masumpungan ng mga pahina ng aklat.
Subalit ang mga bagong paraan ng kagamitan ay nagbubunga ng kahinaan sa pag-unawa at paggamit ng sariling wika. May mga pagkakataong lumalampas na sa hangganan na nakakaapekto na sa moral at pag-uugali. Kailangan itong mabigyan ng pansin at limitasyon dahil hindi lahat ay nakakatulong.
Ang KKK – Kaalaman, Karunungan at Kasipagan- ay nagsisilbing sandata panlaban sa mga suliranin at patuloy na maisulong ang pagmamahal sa sariling wika. Hindi pa huli ang lahat para malabanan ang sakit na unti-unting nagpapahina sa paggamit ng wika. Kailangan ng tiwala sa sarili at katapatan upang magtagumpay.
Ano man ang pagbabago na dumating sa kurikulum, kung ang KKK ay laging isasaalang-alang hindi mabibigo ang pagnanais na manatiling buhay ang Wikang Filipino.
By: Sharon L. Dela Cruz | Teacher III | Bataan National High School, Balanga City, Bataan