Kto12! Inin na o niluluto pa.

Ikalawang taon na ng pagpaptupad ng programang Kto12 ng pamahalaan. Hanggang sa kasalukuyan ay nanatili pa rin ang ilang mga katanungan na naghihintay ng kasagutan. Kung saan ito patutungo? At, ano ang kahihinatnan. Maraming Pilipino ang pinanghahawakan na ang edukasyon ang sandata tungo sa ganap na kaunlaran. Upang makatulong sa pagtatamo nito ay isinabatas ang…


Ikalawang taon na ng pagpaptupad ng programang Kto12 ng pamahalaan. Hanggang sa kasalukuyan ay nanatili pa rin ang ilang mga katanungan na naghihintay ng kasagutan. Kung saan ito patutungo? At, ano ang kahihinatnan.

Maraming Pilipino ang pinanghahawakan na ang edukasyon ang sandata tungo sa ganap na kaunlaran. Upang makatulong sa pagtatamo nito ay isinabatas ang Kto12 kurikulum ng pamahalaaang Aquino. Ito nga ba ang isa sa mga kasagutan sa lumalalang kahirapan at pabulusok na ekonomiya. Kaakibat ng kurikulum na ito ang panlahatang pag-aaral ng mga kabataan ng kindergarten bago pumasok sa elementary at karagdagang dalawang taon sa sekondarya. Layunin nitong papagtibayin ang basic education, pag-unlad ng pagkakakilanlang kultural gamit ang mother tongue, at makapagtapos ng sekondarya sa gulang na labingwalo kasabay ng pagkakaroon ng kasanayang bokasyunal at teknikal. Layunin nitong mabawasan bilang ang mga nakapagtapos ng sekondarya na walang kakayahang makapagkolehiyo na nakaantabay sa pagsapit sa labingwalong taon bago makapaghanapbuhay.

Kasabay ng magagandang layuning ito ay ilang agam-agam sa patutunguhan at kahihinatnan nito. Malaking katanungan ang kahandaan ng pamahalaan sa pagpapatupad ng Kto12. May ilang samahan ang pumupuna sa pagiging hilaw ng batas na ito. Hilaw sa larangan ng kahandaan, sa punto ng kasanayan ng mga guro at iba pang taga-pamahala ng mga pampubliko maging ng mga pampribadong paaralan. Marami pa ring mga paaralan ang nakaabang sa mga aklat (learners material “LM” at teaching guide “TG”) na kinakailangan sa isang buong taong pagkatuto. Subalit ang paghihintay na ito ay patuloy na tumatagal lamang. Upang makaayon sa programa, ang mga guro ay gumagamit na lamang ng mga improvised materials at ang ilan ay nagpapaphotocopy na lamang ng mga LM at TG na inaasahan nilang maging kaagapay nila sa pagtuturo at pagkatuto. Hindi na nakakapagtaka na sa pagbukas ng taunang pampaaralang ito ay wala pa din ang kanilang mga inaasahan. Walang ipinagkaiba sa unang taon ng Kto12 na kung saan, natapos ang taunang pampaaralan ay iilang asignatura lamang ang nakatanggap ng mga LM at TG. Kaalinsabay ng ganitong suliranin ay hindi matatawaran ang pagsusumikap ng mga guro na tugunan ang pangangailangan ng mga mag-aaral na makasabay sa inaasahan. Tunay na dakila ang mga guro sa paghahanap ng paraan upang matugunan ang uhaw na pangangailangan ng bawat mag-aaral sa silid-aralan. Hanggang ngayon ay palaisipan ang kahandaan ng pamahalaan sa mga susunod na taon, higit sa lahat ang Grade 11 at 12. Kung sa kasalukuyan ay suliranin ang mga kagamitan (LM at TG) paano pa kaya sa karagdagang dalawang taon. Pano matutugunan ang kakulangan sa guro, silid-aralan at mga kagamitang pangteknikal at bokasyunal. Tunay nga bang hilaw ang sistema at matatagalan pa ang pagkainin nito.

Halos lahat ng administrasyon ay nagpatupad ng reporma sa edukasyon. Iba’t-ibang kurikulum SEDP, BEC, RBEC at mga programa tulad ng Bridge Program. Muli nating balikan ang mga kurikulum na ito at programa. Saan ba ito tutungo? At ano nga ba ang kahihinatnan? Maari bang ang mga nabanggit ay matutulad din ang kasalukuyan.

Kung tutuusin maganda ang layunin ng Kto12 subalit mawawalang saysay kung hindi mapapanindigan ang lahat ng adhikaing sa kurikulum na ito ay nakaatang. Minsan sa iyong pamamasyal sa pampublikong paaralan. Ikaw mismo ang makakasagot sa mga katanungan kung paano matatamo ang mataas na kamuwangan. Napansin mo ba ang siksikan sa silid-aralan, ang gurong patang-pata sa dami ng tinuturuan, ang mga kagamitang sa simula pa ay kanila na lamang pinagtitiisan. Ang mga aklat na limitado lamang ang bilang. Naisip mo ba na nang ikaw ay nag-eskwela si blackboard at chalk na ang kaagapay ni Ma’am, andyan pa ang tulong ni Manila paper at pentlepen hanggang sa ikaw ay nagkaapo na, iyon pa rin ang katuwang ni Ma’am sa paghubog sa puso’t isipan ng mga kabataang umaasa sa kaalamang maibabahagi niya.

Ngayon iiwan ko sa inyo ang katanungang Kto12 ba ang solusyon sa kaunlarang nais matamo? Inin na ba ito o kasalukuyan pangniluluto?

 

By: Elvis Trinidad Malang | Teacher II | Pablo Roman National High School | Pilar, Bataan