Tuwing maririnig mo ang Red Ribbon ay alam mo na agad ang matamis na lasa ng tsokolateng bumabalot sa cake, na kahit hindi mo kaarawan ay maaari mo itong tikman. Ang maliit na pulang laso sa dibdib ay simbulo ng isang mapanganib at nakamamatay na virus, hindi nakapagbibigay kasiyahan kundi kalungkutan. Ang buwan ng Mayo ay ang pagdiriwang ng HIV awareness campaign kasabay ng pagdiriwang ng Araw para sa mga Kababaihan. Layunin ng pagdiriwang ay ang malayang pagpapahayag at paggising sa kamalayan ng mga Pilipino sa patuloy ng pagtaas ng mga kasong may HIV. Kung ang kamalayan ay tuwing Mayo ang AIDS Day ay ipinagdiriwang tuwing buwan ng Disyembre. Bakit kinakailangan pang ipagdiwang at bigyang importansya ang sakit na ito?
Ang Human Immunodefiency Virus ay isang sakit na nakukuha sa pakikipagtalik ng walang proteksyon sa iba’t-ibang kapareha, pakikipagtalik sa isang bayarang kapareha o sa kapwa lalaki, pagturok ng droga gamit ang karayom na ginamit na ng iba, nasalinan ng dugo na hindi sigurado ang pinanggalingan o nagkaroon ng tulo o iba pang sexually transmited infection o STD. Ang Kagawaran ng Kalusugan ay nababahala sa mabilis na pagkalat ng sakit na ito. Taun-taon ay pataas ng pataas ang naitatalang kaso ng mayroong HIV / AIDS sa bansang Pilipinas hindi lamang dito maging sa buong mundo ayon sa talaan ng WHO. At ang isang nakaaalarma ay ang pabata na pabatang edad na naitatala na positibo sa HIV. Walang lunas ang sakit na ito ayon sa mga eksperto, may mga gamot tulad ng retroviral drugs na mabibili o makukuhang libre sa mga itinalagang pagamutan sa ibat –ibang munisipalidad ng bansa. Ang epekto ng retroviral drugs ay pagpapabagal lamang ng mabilis na pagkalat ng virus sa katawan ng isang may HIV, ito ay panghabangbuhay na gamutan. Ngunit hindi nito magagamot ang pakiramdam ng isang may HIV na pinandidirihan at nilalayuan di lamang ng mga kaibigan kundi ng sariling pamilya.
May mga dapat tandaan upang makaiwas sa sakit na HIV / AIDS virus dapat lamang gawin ang mga sumusunod: 1) Umiwas makipagtalik 2) Dapat isa lamang ang iyong kapareha 3) Gumamit ng proteksyon tulad ng kondom sa pakikipagtalik 4) Iwasan ang pagturok ng droga gamit ang karayom na galling sa iba at 5) Edukasyon. Tila mahihirapan ang isang tao na makaiwas sa sakit na ito lalo na ang mga nagbebenta ng aliw at ang mga bumibili nito. At sa mga lugar na legal ang prostitusyon. Dito sa Pilipinas hindi man ito legal pero nananatili ang ganitong klase ng hanapbuhay. Kaya nga sa mga lugar tulad ng Manila o NCR ay naitala ang pinakamataas na kaso ng mga positibo sa sakit na ito. Ang Region 3 ay pangatlo sa talaan na may pinakamataas na kaso ayon sa Provincial Health Office ng Balanga City.
Upang mapababa ang kaso at mapigilan ang mabilis na pagtaas ng mga nagkakasakit ng HIV/AIDS, ninanais ng Kagawaran ng Kalusugan ang pakikipagtulungan ng Kagawaran ng Edukasyon na bigyan puwang at diin ang pag-aaral tungkol sa Reproductive System. Sapagkat naniniwala ang Department of Health na malaki ang maitutulong ng kamalayan at eduksyon upang makaiwas sa sakit na ito. Malinaw pa rin ang sinasaad na “Prevention is better than Cure” upang magkaroon ng isang bansang may malusog na mamamayan.
By: Timi T. Labandilo