Dear DISIPLINA,
Noong bata pa ako hindi kita lubos na maunawaan o maintindihan man lamang. Siguro dahil sa wala pa akong muwang o talagang ayaw mo lang talagang magpakilala pa sa akin dahil sa ako ay bata pa nga. Abala ako sa maraming bagay noon, gaya ng paglalaro ng mga bagay na pinalalaruan sa akin ng aking ina. Ang alam ko lang gawin noon ay umiyak, tumawa, kumain at matulog. Buhay prinsipe lang haha..pero alam mo ba ng ako ay tumuntong na sa unang baitang ng aking pag-aaral doon ko naranasan na marinig ang mga salitang “tama” at “mali” yan. Tama, na makinig at sumunod sa sinasabi ng aking mga magulang, guro at mga nakatatandang nilalang na bahagi ng aking buhay. Tama, na makipagkaibigan ako at gawin ang aking ikaliligaya. Tama, na maging mapagbigay at maging matulungin sa mga nangangailangan. Tama, na manahimik na lamang kaysa makipagkwentuhan o dumaldal kasama ang mga kaibigan. Ngunit bakit sa paglipas yata ng panahon DISIPLINA nagbago ang lahat o sadyang wala lang talaga akong alam tungkol sa mga bagay sa kasalukuyan.
Masasabi kong nagbago ang lahat dahil ngayon winawalang bahala ko na ang mga bagay na alam kong tama. Hindi ko na gaanong pinag-uukulan ng panahon at atensyon ang gawaing alam kong tama. Naalala ko tuloy ang sinabi sa akin ng aking ina na hango raw sa Bibliya na “kung alam mo ang tama at hindi mo ginagawa ikaw ay nagkakasala”. Sa tuwing naaalala ko yun mabilis na tumitibok ang aking puso na wariy may sinasabing gawin ko ang tama para hindi ako magkasala. Pero bakit ganon kung kailan nais kong gumawa ng tama ay saka naman ako nakagagawa ng mali. Isang araw, habang pauwi ako galing sa eskwela nakita ko ang kapwa ko bata na bumili ng candy, inalis niya ang pabalat nito upang kainin ang laman…natigilan ako ng makita kong itinapon niya sa may taguling ang balat ng candy na kanyang binili. Napaisip tuloy ako, paano kaya kung lahat ng bata ay gaya niya na ang atensyon lamang ay nasa laman ng candy ngunit wala ng halaga sa kanya ang pabalat nito na nagiging basura. Paano kung marami sa mga batang tulad ko hindi nakauunawa sa salitang mali na hindi dapat ginagawa?
Disiplina, bakit ganoon sa mundong aking ginagalawan para bang hindi na bago ang gumawa ng mali, para bang manhid na ang puso ko sa paggawa ng hindi tama. Sa aking pagiging estudyante naranasan kong magkating sa klase na dapat kong pasukan, naranasan kong uminom ng softdrink na ang plastic na pinaglagyan nito ay hindi sa basurahan ang kinapuntahan kundi sa kahon ng mga halaman, naranasan kong sumigaw ng kami ay maagang pauwiin ng aming guro dahil sa sobrang kasiyahan kahit alam kong mayroon pang nagkaklase at nag aaralan. Naranasan kong mangupit sa aking mga magulang, magsinungaling at hindi magsabi ng katotohanan, naranasan kong maimpluwensiyahan ng mga kaibigang inakala kong pangalawa kong tahanan, naranasan kong matukso sa maling gawain gaya ng hilig ng laman, ang panawagan ng isipan kong mali yan, pero sa paningin ko’y hindi ko ito maiwasan. Maraming bagay ang dapat kong isaalang-alang kung bakit ko ito nararanasan gaya ng pagpapalaki sa akin ng aking mga magulang, ng mga sitwasyon at pangyayari sa aking buhay, ng kapaligirang aking ginagalawan, ng itinadhana sa akin ng Diyos at higit sa lahat ang aking kalayaang magpasya. Nagpasya akong paniwalaan lahat ng taong nagbibigay sa akin ng payo ngunit hindi lahat ay nagtutugma sa aking pangangailangan. Minabuti kong lumapit sa Diyos upang aking malaman ang katotohanan sa aking katauhan. Bakit nga ba sa dinami rami ng mga pagkakataon laging mali ang aking nagiging gawi. Hindi ba dapat tamang gawain lamang lagi? Nanalangin ako at nagtanong sa Diyos kung ano ang maaaring maging mabuting solusyon sa kawalan ko ng disiplina sa aking sarili dahilan na maraming bagay sa akin ang humaharap sa maraming pagsubok at problema ng buhay. Ang sagot sa akin ng Diyos ay simple lamang…”malibang kilalanin mo Ako bilang Panginoon at Tagapagligtas ng iyong buhay mararanasan mong magkaroon ng KAGALAKAN, KAPAYAPAAN, PAGPIPIGIL SA SARILI O DISIPLINA AT NG LAHAT NG BAGAY NA TINATAGALAY NG ISANG TAONG MAY KONTENTO SA KANYANG SARILI”.
Nagising ako sa katotohanang ang pasimula pala ng karunungan ay ang pagkatakot kay Yahweh ang Panginoon ng aking buhay. Natutunan kong magiging maayos lamang ang lahat kung bawat kagaya kong bata ay makakakilala sa Diyos na siyang maylikha ng lahat ng bagay ganun din sa taong nilikha niyang kawangis at kalarawan. Kung lahat ng tao ganito ang pag-iisip magiging maayos ang trapiko sa EDSA, ganun din ang problema sa bawat baranggay tungkol sa mga kabataang maagang namumulat sa pornograpiya, karahasan, bisyo at kriminalidad. Maaari ding malunasan ang sakit ng lipunan na tinatawag na kamangmangan, pagiging tamad at hindi pakikialam na wari ko’y wala ng pakialam sa mga nangyayari sa kanilang mga buhay. Salamat sa iyo Disiplina nang dahil sa iyo marami akong natutunan gaya ng pagiging responsableng kabataan, pagiging magalang at pagkakaroon ng respeto sa aking mga magulang at mga nakatatanda sa akin, pagpapasyang inaalam muna kung ito ba ay makabubuti o makasasama kaugnay sa aking pananagutan. Nang dahil sa iyo namulat ako na dahil sa maling pagkilala ko sa aking buhay bilang isang batang walang disiplina ay nagkaroon ako ng karanasan na kung saan ako ay nahirapan at nagkaroon ng alalahanin sa buhay. Salamat nang dahil sa iyo natuto akong magpigil sa aking sarili, magsalita ng wasto. Gumawa at kumilos sang ayon sa ikabubuti ko. Tunay nga na may katotohanan ang pahayag na “kung ano ang itinanim, siya mong aanihin”.
Kaya nga Disiplina kahilingan kong lagi mo akong samahan, gabayan at paalalahanan sa lahat ng aking mga pagpapasya sa buhay. Tulungan mo ang aking puso na maramdaman ka ng tunay at totoo, ganoon din sa aking isipan upang walang naglalarong kasamaan na tutuksong muli sa akin para makagawa ako ng masama. Disiplina, ayoko ng magkulang, ayaw ko ng mawalay sa katotohanan, at higit sa lahat ayaw ko ng mawalay sa Diyos na aking Panginoon at Tagapagligtas. Ayaw ko ng sundin ang aking sarili lalo na kong ito ay hindi makabubuti sa akin at sa aking pamilya, ayaw ko ng magpadalus-dalos pa sa aking pagpapasya. Mahal ko ang Diyos at ayaw ko na siyang biguing muli, mahal ko ang aking pamilya, mga magulang at aking mga kapatid na ayaw ko rin namang masaktan pang muli at magkubli sa lilim ng mga nagsasayawang mga luntiang dahon na wari mo’y nagmumunimuni na maibalik ang nakaraan para mabago ang naging kamalian. Kaya nga sa ngalan ng Diyos na makapangyarihan sa lahat nais kong siya ang gumabay sa akin kaakibat mo Disiplina upang hubugin ang aking pagkatao sang ayon sa kalooban ng aking Panginoon. Maraming salamat Disiplina, sa mga aral ng buhay na alam kong hinding hindi ko malilimutan. Paalam.
By: Alfred Castuera Deocareza