Nakayuko’t tulala, walang imik, lutang habang sinisilip ang gawain,
Nalulunod sa ibang iniisip kahit ang tanging saklolo ay di rin nais,
Naiipong kasanayan, kumakapal rin ang alalahanin,
Sa ka-mamaya mo’y maaabutan mo na ang pagsisisi
Ingay ng sasakyan, kalampag ng mga kubyertos,
Tilaok ng mga manok, pagtahol ng mga aso,
Utos ng aking ina at kasabay ng lambing ni Bunso,
Saan ang tamang lugar? Para mapanatag ang puso.
Ang ilaw ay paandap-andap, kaantukan mo’y kalaban ng puyat,
Nariyan ang simoy ng hangin, braso mo’y ihanda,
Protektahan mo mula sa ulan, sapagkat may butas ang bubungan,
Sa iyong pagsusulat, kaaway mo rin ang mga kulisap.
Parating na ang araw ng pasahan, taranta ang ramdam,
Alerto ang isipan kahit pagod na pagod ang katawan,
Ilang punit ng papel gawa ng pasmadong kamay,
Lukot man ang iyong ibinunga, pagsisikap mo’y aming ikinararangal.
By: Kim Howell M. Gutierrez | Teache I | Olongapo City National Highschool | OLongapo City