May mga bagay na kailangang pagtuunan ng pansin upang maisagawa ang nararapat na aksiyon lalo na at nakapaloob ang usapin ukol sa kaligtasan ng nakararami.
Isang napapanahong paksa ngayon na pinangangambahan ng marami ang tungkol sa pagdating ng “the big one“ (isang malakas lindol). Ipinalalagay ng mga may kaalaman sa agham na may mga palatandaan na magaganap ang isang malakas na lindol sa Pilipinas. Kung kailan at kung saan ito mangyayari ay walang tahasang makapagsasabi.
Sa pagpasok ng taong 2017 marami ng lindol ang naitala sa iba’t ibang panig ng daigdig. May mga mahina at may mga nakapagdulot ng pinsala sa mga buhay at ari-arian dahil sa lakas ng mga ito. Hindi rin nakaligtas ang ilang bahagi ng Pilipinas sa mga pag-uga ng lupa na nadama at naranasan ng ating mga kababayan.
Ayon sa pagtatantiya ng mga eksperto, malaki ang posibilidad na ang pinangangambahang lindol ay magaganap sa anumang sandali. Dahil dito, naging pangunahin ang mga paghahandang isinagawa upang matiyak ang kaligtasan ng mga tao. Ito ay binigyang daan sa paglulunsad ng malawakang pagsasanay sa mga paaralan at sa iba pang mga ahensiya ng pamahalaan. Mula sa elementarya, sa mataas na paaralan at maging sa mga pamantasan ay inilunsad ang mga pagsasanay sa kung ano ang mga dapat gawin kung sakaling lumindol. Kasabay din nito ang pamamahagi ng mahahalagang impormasyon na ipinaabot sa mga pamayanan. Gayonman, malaking katanungan pa rin kung paano matitiyak ang kaligtasan ng bawat buhay kung sakaling ang malakas na lindol ay mangyari na.
Bagamat nagsagawa ng mga malawakang pagsasanay, hindi magiging epektibo ang pagpapatupad nito sa oras na kailanganin kung ang pananaw na “lulubog, lilitaw” ang paiiralin. Totoo ang banta ng panganib at walang katiyakan sa maaring mangyaring dulot ng sakuna. Ang mga pagsasanay at paghahanda ay hindi magiging makabuluhan kung ito ay hindi pag-uukulan ng seryosong pagsasabuhay.
Kailangan ng bawat isa na maisapuso ang mga paghahanda at pagsasanay sa halip na ipagwalang bahala na lamang, na kapag normal ang kapaligiran ay nawawaglit na rin sa isip ito.
Responsibilidad ng bawat mamamayan na kumalap ng kaalaman at kasanayan upang maayos at mahusay itong maisakatuparan sa panahong ito ay kailangan nang gawin. Higit na kailangang pairalin ng mga mamamayan ang disiplina at hinahon sa hudyat ng lindol, upang maiwasan ang pagkakagulo na maari pang makaragdag sa mga sakunang hindi inaasahan. Maging mapagmatyag ang lahat sa ugaling “lulubog at lilitaw” at lagi tayong maging handa sapagkat hindi nagbibiro ang kalikasan.
By: SHERYL C. CRUZ | TEACHER II | BATAAN NATIONAL HIGH SCHOOL | BALANGA, BATAAN