Ang silid-aralan ay kadalasan na itinuturing na lugar kung saan nagaganap ang pagkatuto, isang lugar kung saan dumadaloy ang pagsasalin ng impormasyon ng guro sa kanyang mga mag-aaral. Gayunpaman, bukod sa mga aklat at aralin ay mayroong isang matinding puwersa na nagbubunsod ng isang matinding pagnanais na matuto at umunlad, iyan ang maasyos na relasyon sa pagitan ng guro at mag-aaral. Kapag ito ay higit pang napagyaman ay makatutulong ito sa mag-aaral tungo sa kanyang intelektuwal at personal na pag-unlad. Ang pagpapatibay ng relasyon sa pagitan ng guro at mag-aaral ay nabubuo sa pamamagitan ng pagtitiwala, pagrespeto at pagkakaunawaan. Ang isang guro na tunay na nagpapahalaga ay siyang gabay, kung saan ang kahinaan ay magsisilbing lakas, ang mga pagkakamali ay tinitingnan bilang oportunidad para matuto at makilala ang pangangailangan ng kanyang mag-aaral. Sa pamamagitan nito ay mararamdaman ng mag-aaral na siya ay kabahagi at magkakaroon ng lakas ng loob na makipagsabayan para matuto.Hindi lamang pang-akademiko ang epekto nang maayos na relasyon sa pagitan ng guro at mag-aaral, sa pamamagitan din nito ay maaaring maimpluwensyahan ng guro ang mag-aaral na magkaroon ng kumpyansa sa sarili, pagnanais na matuto at tuparin ang kanyang pangarap. Nagsisilbing gabay ang guro hindi lamang sa akademiko kundi pati na rin sa mga pagsubok na pinagdadaanan ng mag-aaral sa kanyang personal na buhay. Sa pamamagitan ng komunikasyon at pakikinig, ang isang mapagmalasakit na guro ang gagabay para maunawaan ng mag-aaral ang kanyang mga emosyon, maging matatag at pahalagahan ang kanyang sarili. Higit sa lahat, ang positibong relasyon sa pagitan ng dalawang panig ay magdudulot ng pagkakaroon ng kakayahan na tumanggap ng responsibilidad at pananagutan ng isang mag-aaral. Kapag nararamdaman ng mag-aaral na siya ay may halaga at nirerespeto, matututo siyang humingi ng tulong kung kinakailangan sapagkat alam niya na maaari siyang humingi ng tulong sa kanyang guro. Makatutulong din ito na mahikayat ang mag-aaral na makiisa sa klase at mas pagbutihin pa ang kanyang pag-aaral. Ang mag-aaral ay kinakailangan din magsikap na magbigay ng respeto sa kanyang guro at kusang-loob na makibahagi sa gawaing pampaaralan upang masigurado na magiging matagumpay at maayos ang kanilang pagsasama sa paaralan. Kailangan din irespeto ng mag-aaral ang oras at panahon na inilalaan ng guro upang matulungan silang matuto. Sa kabuuan, ang relasyon sa pagitan ng guro at mag-aaral ay hindi lamang nauukol sa paglilipat ng karunungan. Ito ay mahalaga upang mapaunlad ang intektuwal, emosyonal at sosyal na aspeto ng isang mag-aaral. Kung ito ay pagyayamanin ng may pagpapahalaga, pagrespeto, at tapat na koneksyon, ito ay magdudulot ng pang habang buhay na pagmamahal ng mag-aaral sa pagkatuto.
Maayos na Relasyon ng Guro at Mag-aaral Tungo sa Pagkatuto
Ang silid-aralan ay kadalasan na itinuturing na lugar kung saan nagaganap ang pagkatuto, isang lugar kung saan dumadaloy ang pagsasalin ng impormasyon ng guro sa kanyang mga mag-aaral. Gayunpaman, bukod sa mga aklat at aralin ay mayroong isang matinding puwersa na nagbubunsod ng isang matinding pagnanais na matuto at umunlad, iyan ang maasyos na relasyon…