Sinasabi na ang mga ipis ay ang pinakamagaling na lahi sa buong mundo pagdating sa adaptation. Ang lahing ito raw ay na-survive na ang halos lahat ng mga pagsubok, signos at mga pandemya sa buong mundo nang hindi man lang sila nababawasan, bagkus, parami nang parami ang mga ito. Ang fascinating, hindi ba? Posible pala na mayroong lahi sa mundo na kayang – kayang mabuhay ang kahit anong pagsubok na pagdaanan nila.
Sa ganang ganito, nais kong ihalintulad ang mga gurong tulad ko sa isang ipis – h’wag nating tingnan ang masamang reputasyon ng lahing ito. H’wag nating isiping sila ay marumi, mabaho o nakadidiring tingnan. Tingnan natin ang kanilang kagalingan pagdating sa adaptation at willingness to survive in a new environment.
Parang tayong mga guro. Mula noon magpasa hanggang ngayon ay hindi tumitigil ang pagbabagong nagaganap sa field ng edukasyon. Hindi ba’t isang patunay iyon nng willingness to adapt, survive and learn ng isang guro? Nakita naman ng lahat ang isang napakalaking pagbabagong naganap sa nakalipas na dalawang taon sa buhay ng bawat isa.
Tila ba nawalan ng saysay ang lahat ng experiences na nakuha ng bawat isa sa buhay sa mga nakalipas na taon sapagkat pumasok ang tinatawag nating bagong normal. Lahat ay bumalik sa simula, lahat ay nangapa dahil sa pagbabagong ito. Kaisa na sa mga nangangapang iyon ay ang kaguruan ng buong bansa.
Napakaraming kailangang muling matutuhan, napakaraming kailangan alamin upang maging Pulido ang pagtuturo sa mga kabataang nangangapa rin dahil sa bagong normal na ito.
Hindi madali ang matutuhan ang lahat ng ito sa maikling panahon – ngunit tulad ng mga ipis, ang mga guro sa buong bansa ay willing to adapt and learn para sa ikabubuti ng mas nakararami.
Mahirap ang lahat ng pagbabago.
Mahirap ang nangangapa sa dilim.
Mahirap ang magsimulang muli.
Mahirap… ngunit posible.
By: Ms. Ghecela Marie Chris Garcia | Teacher I | Bataan National High School | Balang City, Bataan