MAKABAGONG JUAN, MAYROON KA PA BANG PATUTUNGUHAN?

“Kabataan ang pag-asa ng bayan”- Dr. Jose P. Rizal. Ito ang kasabihan na madalas na namumutawi sa labing mga kapwa kong may edad na at marami nang napagdaanan sa buhay. Mga kataga na buong tiwalang iniwan sa atin ng Pambansang bayani.             Sa aking labing-isang taon sa larangan ng pagtuturo, masasabi kong nakatagpo na ako…


“Kabataan ang pag-asa ng bayan”- Dr. Jose P. Rizal. Ito ang kasabihan na madalas na namumutawi sa labing mga kapwa kong may edad na at marami nang napagdaanan sa buhay. Mga kataga na buong tiwalang iniwan sa atin ng Pambansang bayani.

            Sa aking labing-isang taon sa larangan ng pagtuturo, masasabi kong nakatagpo na ako ng halos lahat ng klase ng mga kabataan, namasdan at nasuri na sila sa aking isipan at mula sa aking naobserbahan, nahinuha ko na masyado pang Totoy at Nene ang kanilang pagtingin sa buhay. Mga hilaw na isipan na kayang-kayang sirain ng makamundong gawain kung hindi natin sila magagabayan ng mabuti. Halimbawa na lamang ng mga bagong teknolohiya. Sa aking pagsusuri, hindi lumalampas ang isang markahan na hindi ako nakahuhuli ng isang bata o higit pa na gumagamit ng cellphone habang ako ay nagsisikap na ipaintindi sa kanila ang mga aral na magagamit nila sa pakikipaglaban sa malaking mundo na talo ang kaunti ang nalalaman. Hindi pa diyan natatapos ang aking kalbaryo pagkat sa tuwing ako ay magtse-tsek ng mga sulatin na ipinagawa ko sa kanila, mabibilang ko ang mga mag-aaral na tama ang mga salita at hindi gumagamit ng “JEJEMON”. Masakit lamang isipin na ang dali nilang nalimot ang Wikang Filipino na naging susi kung bakit mayroon tayong kalayaan na tinatamasa ngayon. Ngunit bukod sa aking mga unang nabanggit, isa pa ring napapansin ko sa mga bagong henerasyon ngayon ay kakulangan nilang alam sa mga mahahalagang simbolo, pangyayari, at kultura ng ating bansa. Tulad na lamang noong isang beses na nagtanong ako kung ano ang pambansang awit natin, sinagot ng aking estudyante ay “BAYANG MAGILIW” at sinabayan ng malalakas na tawa ng kanyang mga kamag-aral. Marahil nakakatawa ang bagay para sa kanilang mga kabataan ang mga ganoong pangyayari, ngunit hindi para sa ating mga nakatatanda. Nakakabahala na pagdating ng panahon ay sakanila natin iiwanan ang PERLAS NG SILANGAN. Baka sa araw na sila na ang nagpapatakbo ng bansa ay tuluyan ng masira ang mayamang kultura na iningatan natin at ng ating mga ninuno.

            Bilang isang guro, hindi lingid sa aking kaalaman na isa ako sa inaasahan na nahihinog sa mga murang isipan ng mga bagong Juan Dela Cruz. Mahirap man para sa akin ang makuha ang kanilang atensyon pagkat hindi ako katulad ng mga artista na hindi malilimutan at talagang tumitimo sa kanilang puso’t isipan, pero pinipilit kong isiksik sa kanilang mga isipan na ang kasabihang: “Ang kabataan ay ang pag-asa ng bayan.” ay hindi iniwan sa atin ni Rizal upang manatiling kasabihan at manatiling nakasulat sa mga aklat at bagkos, ito ay isang hamon sa kanila upang ipakita na karapat-dapat sila sa dugo na ibinuwis ng ating magigiting na ninuno. Ito din ay isang inspirasyon at motibasyon sa kanila na ipakitang may patutunguhan sila kahit na napakahirap kalabanin ang malakas na agos ng mundo para sa akin hindi na importante kung maalala pa nila ang isang MYLA MANRIQUE bilang guro na nagturo sa kanila ng paniniwalang iyan, ang mahalaga at tunay na nakapag papasaya sa akin ay makita ang mga estudyante ko na lahat ay may maayos na pamumuhay at matatagumpay pagkat doon pa lamang masasabi ko nang nagtagumpay na rin ako bilang guro dahil naihatid ko sa dapat niyang patunguhan ang mga kabataan na noon ay nangangapa pa kung saan nga ba sila papunta.

By: Myla B. Manrique | Teacher I | Bonifacio Camacho National High School | Abucay, Bataan