Kilala mo ba si Kahoot, Quizalize, Mentimeter, Jamboard at Powerpoint? Ilan lamang ang mga nabanggit na mga platapormang ginagamitan ng makabagong teknolohiya upang magamit sa klase para sa mga gawain at pagtataya sa aralin. Ang bawat isa ay may kani- kaniyang itsura at gamit na aangkop sa tiyak na kailangan upang matuto at makapagbahagi ng kasagutan ang mga mag- aaral.
Nakakukuha ito ng interes sa mga mag- aaral sapagkat gumagamit ang guro ng makabagong pamamaraan kaya’t mas nagiging interaktibo ang pag- aaral na nakapagdudulot ng magandang resulta ng pagkatuto. Hindi naman lingid sa kaalaman ng nakararami, na ang henerasyon ng mga mag- aaral sa kasalukuyan ay mulat sa paggamit ng teknolohiya. Teknolohiya ng siyang nakapagpapabuhay sa bawat natutulog na dugo ng mga mag- aaral sa klase. Isang pindot, marami silang nakikita, makukulay at may iba’t ibang disenyo.
Bukod sa makabago itong pamamaraan na nakakukuha ng atensyon at interes ng mga mag- aaral, malaking tulong din ito sa mga guro dahil maging ang pagwawasto at paglalagay ng iskor ay hindi na mano- mano. Hindi na kailangang magsulat nang marami sa pisara, hindi na rin kakati ang ilong ni titser sa nasisinghot na alikabok ng yeso. TV, remote at internet lang magsisimula na ang klase.
Hindi na pabalik sa nakaraan ang mundong ating ginagalawan, lalo na sa edukasyon. Bawat araw na lilipas ay may bagong masasaliksik at magpapaunlad sa sistemang mayroon tayo, at iyon ay sa pamamagitan ng paggamit at pagpapaunlad ng ating mga makabagong teknolohiya. Kalimutan ang takot sa pagbabago, yakapin natin ito nang buong puso sapagkat ito na ang mayroon tayo sa kasalukuyan.
By: Czarinah Jeanell G. Anulacion/ Bagong Silang Elementary School|Balanga City Bataan/ May 2023