Tagahubog, tagapanday ng murang isipan
Mistulang iginuguhit sa papel ang kapalaran
Mga munting anghel na dumating sa buhay
Sa palad ng isang tagapaghulma sa lipunan.
Sa bawat oras at araw na dumaraan
Tanging hangad ay magpunla ng kaalaman
Mga butil ng karununga’y inilalaan
Sa mga inosente at uhaw na isipan.
Pangalawang magulang kung turingan
Mga mamamayan nitong ating bayan
Sa kanyang balikat nakasalalay
Pag-unlad sa buhay ng mga kabataan.
Ordinaryong tao kung siya’y pagmasdan
Sa bawat galaw tiyak may kabuluhan
Palaging iniisip magandang kinabukasan
Sa puso niya’y umusbong ang pagmamahal.
Kapakanan ng iba laging inuuna
Saya sa mukha ‘nya ang ipinakikita
Kailanman hindi magpapahalata
Kahit durog ang puso sa daming problema.
Di matatawaran sakripisyong taglay
Di mapapantayan kahit sino pa man
Iyan ang gurong manlililok na tunay
Isang taong namugad ang kabutihan.
By: Willia C. Bacsal | Master Teacher I | Olongapo City National High School | Olongapo City