MAPALAD

Hindi natin maitatanggi na napakaraming pangyayari sa ating lipunan ang di natin inaasahan. Mga kaganapang sa una ay di natin sukat akalaing magbibigay ng pilat sa ating puso at isipan. Niyanig nito ang ating buhay na kinasanayan. Binago ang ating mundo, na ngayon ay umiikot na lamang sa ating tahanan dahil sa pandemiyang kinaharap ng…


Hindi natin maitatanggi na napakaraming pangyayari sa ating lipunan ang di natin inaasahan. Mga kaganapang sa una ay di natin sukat akalaing magbibigay ng pilat sa ating puso at isipan. Niyanig nito ang ating buhay na kinasanayan. Binago ang ating mundo, na ngayon ay umiikot na lamang sa ating tahanan dahil sa pandemiyang kinaharap ng buong mundo. Napakalaki man ng di magandang nangyari sa ating buhay maituturing pa ring tayo ay mapalad.

Paano nga ba tayo naging mapalad? Kung pawang kahirapan lang ang ating dinanas. Paano tayo naging mapalad kung may mga plano tayo na hindi natupad? paano tayo naging mapalad kung may mga tao at bagay tayong tuluyan nang binitawan di dahil gusto natin, kundi dahil kailangan. Mapalad tayo dahil hanggang ngayon ay buhay at malakas tayo. Marahil naiisip ng iba na buhay tayo hanggang ngayon dahil nag-iingat at nanatili lang tayo sa ating mga tahanan, may punto nga naman, ngunit hindi ito ang pinakadahilan kung bakit tayo buhay at malakas. Buhay at malakas tayo dahil sa Panginoong Diyos, ang pag-ibig niya sa atin at ang pananampalataya natin sa kaniya ang siyang patuloy na nagliligtas at nag-iingat sa atin.

Hindi natin maitatanggi na ang nagdaang taon ay nagdulot ng hinagpis at pagluha sa marami nating kababayan. Hindi tayo nakalalabas sa ating mga tahanan. Hindi natin nakakasalamuha ng harapan ang ating mga kaibigan, ang pag aaral ay isinasagawa ng birtwal taliwas sa ating nakasanayan na pamamaraan ng pag aaral. Bukod sa pandemiya ay maraming kalamidad din ang tumama sa ating bansa, napakalaki ng naidulot nitong pinsala sa mga kabuhayan ng mga tao, marami ring buhay ang nawala. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito ay marami pa rin tayong bagay na dapat ipagpasalamat.

Ang nagdaang taon ay nagbigay daan upang makatuklas tayo ng maraming bagay sa ating sarili, nagkaroon tayo nang mas malawak na kaalaman sa mga nangyayari sa ating bayan maging sa iba’t ibang dako ng mundo, higit sa lahat ito ay nagbigay daan upang mapatatag ang ating pag-ibig, pananampalataya sa Diyos at lubos na makapagbalik-loob sa Kaniya. Kung kaya naman sa bagong taon na ito ay gunitain natin ang mga nagawa ng Panginoon para sa atin, ipagpasalamat natin ang kaniyang biyayang kalakasan at mga pagpapala na iginawad niya sa atin na naging dahilan kung bakit hanggang ngayon tayo ay may buhay.

Sa loob ng mga nagdaang buwan na tila ba tayo ay nakulong sa hawla ay marami tayong natuklasan, nalaman at napagtanto sa ating sarili. Naisip natin na bigyang halaga ang mga bagay na nasa ating kamay at hindi panghinayangan ang mga bagay na hindi natin nakamtan. Ang mamuhay ng simple at naaayon sa kagustuhan ng Panginoon, ito pala ang halaga ng buhay…at masasabi mong tayo ay MAPALAD!

By: Written by Vilma S. Pelayo | Teacher III | Olongapo National High School | Olongapo City


Next