Mapanghamong Buhay ng Isang Guro

  Sabi ng marami, ang pagiging guro ay isa sa tinaguriang “ noble profession of all times”. Sobrang sarap sa pakiramdam na saan ka man magpunta ay may bumabati sa iyo ng “ Hi po ma’am, Kumusta na po kayo?, Ingat po at Godbless”. At kung minsan naman ay, “ Marami pong Salamat Ma’am sa…


 

Sabi ng marami, ang pagiging guro ay isa sa tinaguriang “ noble profession of all times”. Sobrang sarap sa pakiramdam na saan ka man magpunta ay may bumabati sa iyo ng “ Hi po ma’am, Kumusta na po kayo?, Ingat po at Godbless”. At kung minsan naman ay, “ Marami pong Salamat Ma’am sa lahat ng natutunan ko sa inyo, Sorry po naging pasaway po ako sa inyo noon Ma’am, namiss po kita”. Ilan lamang ito sa mga tunay na “ perks” na nararanasan ng isang gurong minamahal, pinapahalagahan at hindi malilimutan ng mga estudyanteng nagdaan sa kanyang mapagpalang kamay at pusong mapagmahal.

Subalit  mayroon din namang malulungkot na kabanata sa buhay ng isang guro. Ito ay ang mga panahong nasasayang kapag si titser ay hindi nakakapagturo o nakakapasok sanhi ng kanyang mga suliranin dulot ng pagiging guro niya. Maraming mapanuring mata at isipan ang humuhusga sa usaping ito. Sabi nila, bakit dinadala ni titser sa trabaho ang kanyang pansariling problema? Mali yun! “ Dapat hindi nalang siya naging titser kasi tamad naman siyang magturo!”. Masasakit at mapanghusgang mga kataga!

Subalit sino at ano ba si titser sa buhay ng kanyang mga mag-aaral at pamilya?

  1. Mula pa lamang sa pre-school hanggang ikaw at makatapos sa kolehiyo at masteral/doctoral course mo, si titser ang naging balon ng iyong kaalaman at taga tuwid ng iyong ugaling baluktot!
  2. Mga mumunting agam-agam mo sa mga bagay-bagay ay kanyang nilinaw at pinatingkad para sa iyong proseso ng tagumpay.
  3. Bahagi ng pagkatao mo ay pilit niyang inaalalayan upang ikaw ay mabuo.
  4. Maraming pagkakataon na ikaw ay absent sa kanyang klase at si titser ay tunay na nag-aalala para sa iyo, sukdulang puntahan ka pa niya sa inyong tahanan.
  5. Kung magiging sino at ano ka man sa mga darating na kabanata ng iyong buhay, si titser ay iyong naging sandigan din naman.

Tunay ngang masalimuot at mapanghamon ang buhay ng mga guro. Maraming masasaya,magaganda,masasakit at mahihirap na pangyayari ang nararanasan sa ilang taong pagtuturo at alam nating lahat na ito’y magpapatuloy. Tayo ba ay handa? Buong tapang nating sagutin, Oo! Pagkat tayo ay guro at mananatiling isang mabuting guro hanggang sa huli.

Mabuhay ang mga Kaguruan! Bayani ng Karunungan at ng Katwiran!

 

By: SHERYL C. CRUZ | TEACHER II | BATAAN NATIONAL HIGH SCHOOL | BALANGA, BATAAN