MAPAPALALITAN BA NG MGA COMPUTERS ANG ATING MGA GURO?

Sa panahon ngayon na modernong teknolohiya na ang makikita natin sa ating paligid ay marami na ring mga pagbabagong nagaganap.  Naaalala ko pa noong araw ay uso ang mga encyclopedia – makakapal na libro na pinagkukunan ng impormasyon at nakatutulong ng malaki sa mga estudyante. Ang pagkakaimbento ng computers at mga applications dito ay masasabi…


Sa panahon ngayon na modernong teknolohiya na ang makikita natin sa ating paligid ay marami na ring mga pagbabagong nagaganap.  Naaalala ko pa noong araw ay uso ang mga encyclopedia – makakapal na libro na pinagkukunan ng impormasyon at nakatutulong ng malaki sa mga estudyante.

Ang pagkakaimbento ng computers at mga applications dito ay masasabi kong hulog ng langit.  Ngayon ay halos hindi na natin kailangan ang mga libro kung may internet connection ka rin lang.  Ilan sa aking mga libro ay cookbook, dictionary, at science books na halos hindi ko na rin ginagamit dahil sa may mas bagong detalye sa internet . Problema din ang malaking espasyong kailangan upang mapaglagyan ng mga libro.

Naisip ko tuloy kung posibleng hindi na natin kailanganin ang mga guro sa hinaharap.  Tingnan natin ang mga opinion ng mga tao.  Ayon sa aking nabasa sa internet  may nagsasabi na ang mga estudyante ay nagugulo o nadidistract sa isinusuot, sinasabi at ginagawa ng guro.  Ang mga guro naman ay nalulungkot dahil sa kabila ng kanilang paghahanda sa kanilang pagtuturo ang mga bata ay walang interes sa kanilang pag-aaral.  Kung computers na ang magtuturo sa mga bata, mas lalo daw maiintindihan ito dahil mas kaunti ang distractions.  Hindi rin daw nagkakamali ang computers at ito ay mas mahusay kaysa sa mga guro.  Mas mainam din daw ang computers dahil makakatipid ka sa oras dahil mas mabilis ang magtype kaysa magsulat.

Magkakaiba ang opinion ng mga tao.  Ang iba naman ay nagsasabi na mas mahusay ang mga guro dahil hindi lang sila nagtuturo ng asignatura kundi pati mabuting asal.  Ang bata ay nangangailangan ng ina upang mag-alaga sa kanya tulad din ito ng pagkakaroon ng mga guro upang magturo sa mga mag-aaral.

Ang mga computers daw ayon sa iba ay hindi perpekto dahil ito ay gawa din naman ng mga tao.  Nagbibigay din ito ng maling impormasyon kung magkaminsan.  Nakakagulo din ito  dahil sa mga commercial sites na pwedeng mapuntahan ng mga bata habang sila ay nag-aaral o nagreresearch.  Ginagawa lang ng computer kung ano ang iniuutos sa kanya hindi tulad ng itinuturo ng mga guro.  Marami ding mga kabataan ang napapariwara ang buhay dahil sa facebook at sa impluwensiyang napapanood nila lalo na sa pornographic sites.  Mayroon tayong nababalitaang ginahasa  dahil sa nakipagkita sa ka facebook o nanggahasa dahil sa napanood sa internet. Subalit sa kabila nito naniniwala pa din akong ang ikapapahamak ng tao ay dahil na rin sa kanyang kagustuhan o desisyon.

Sa aking palagay, parehong mayroong magandang naidudulot ang ating mga guro at ang mga computers.  Kulang ang ating kaalaman kung wala ang mga ito.  Ang mga computers ay nagtuturo ng marami at kumpletong kaalaman ngunit ang mga guro ay hindi lamang impormasyon kundi pagiging mabuting mamamayan ang itinuturo.  Sa computers ay walang human interaction na magsasabi sa iyo na mali ang ginagawa o inaasal mo.  Ang mga guro ang magsasabi sa atin ng kung ano ang dapat nating baguhin sa ating pagkatao. Ang computers ay mahusay na suporta ng guro sa pagtuturo ngunit hindi nito mapapalitan ang importansiya ng mga guro.  Ang computer ay pwedeng magtrabaho ng walang hanggan o full time at hindi ito nag i-strike kaya mas makatitipid ang gobyerno.  Ang problema hindi nito kayang solusyunan ang problema ng mga estudyante katulad ng learning disability, developmental delay at social or emotional problem.  Bukod dito karamihan sa mga magulang ay masyado ng abala sa kanilang mga trabaho at hindi na nila nabibigyang pansin ang kanilang mga anak sa kanilang tahanan.  Bilang mga guro, sila ang pangalawang magulang ng mga bata sa eskwelahan.  Ang mga guro ang gumagabay sa mga bata at may pagkakataon pa nga na mas nakapagsasabi ng problema ang bata sa kanilang mga guro kaysa sa kanilang mga magulang. Ito ang hindi kayang gawin ng mga computers dahil wala itong emosyon.  Hindi mo mararamdaman na ang computers ay naging masaya sa mataas mong marka o naging malungkot dahil bumagsak ka. Hindi guro o computers na lang ang dapat magturo ang isyu dito dahil sa katotohanang pareho nating kailangan ang computers at mga guro sa panahong ito.  

By: MARITES T. DOMINGO | Teacher III | Limay National High School Limay, Bataan