Sa tradisyonal na sistemang pampaaralan, ang mga guro ay makikitang kagalang galang, pino sa pananalita, at seryoso sa pagtuturo. Madalas ay nakasimangot at mabilis magalit kapag ang mga mag-aaral ay magulo at makulit sa klase. Kung minsan ay iniiwasan ang magpatawa habang nagtuturo upang maiwasan ang kaguluhan at ingay ng mga mag-aaral. Sinasabing mas maganda pagmasdan ng mga guro ang klase kapag ito ay tahimik at kontrolado. Mas madali makakapasok sa isipan at nauunawaan ang mga aralin kapag tahimik at kontolado ang sitwasyon sa klase. Ito ang karaniwang kaisipan lalo na sa mga pampublikong paaralan. Kung bibigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral kung sino ang pipiliin, ang gurong seryoso sa pagtuturo o ang gurong masiyahin at nagpapatawa sa klase? Mas epektibo ba ang paglalapat ng ilang nakakatawang pahayag at pananalita sa klase o ang seryosong pagtalakay sa mga arlin? Ano ba ang epekto ng pagpapatawa sa klase sa pagkatuto ng mga mag-aaral sa klase?
Maraming mga pag-aaral sa iba’t ibang panig ng mundo tungkol sa relasyon ng pagpapatawa at sa pagkatuto ng mga mag-aaral sa klase. Ayon sa ilang pag-aaral, epektibo at mahusay na kasangkapan sa pagkatuto ang paggamit ng pagpapatawa sa klase. Lumalabas sa pag-aaral na mas nauunawaan ng mga mag-aaral ang mga aralin, mas natatandaan ng mag-aaral ang mga paksang tinalakay, at nakakapalagayang loob ng mag-aaral ang guro kapag masayahin at mahilig magpatawa ang guro sa klase.
Mas natatandaan ng mag-aaral ang mga aralin at ang guro na mahilig magbiro at magpatawa sa klase. Ang pagpapatawa sa klase ay nagbibigay ng positibong epekto sa mga mag-aaral at mas natututo sila dahil nakakapukaw ito ng kanilang interes na matutunan sa isang mabilis na paraan ang ano mang aralin mahirap man o madali sa klase.
Sa kabila ng pagiging epektibo ng pagpapatawa sa klase, may kaakibat din itong negatibong pananaw. Tandaan na personalidad ng mag-aaral ay magkakaiba iba kaya’t iba’t iba rin ang paraan ng pagtanggap ng mag-aaral sa mga ginagawang pagpapatawa ng guro sa klase. Kapag ang mga biro ay masyadong negatibo at hindi namaganda para sa mag-aaral, ito ay nakakapagpababa na sa kalidad ng pagkatuto at sa kridibilidad ng guro at kung minsan nalalayo na salayunin ng paksa o aralin. Dapat isaalang alang ang paraan sa pagpapatawa sa klase, dapat may kaugnayan ito sa paksang tinatalakay at nakaakma sa mga edad o lebel ng taong makikinig o manunuod nito. Kapag sobra sa pagpapatawa at pagbibiro sa klase ay nakakawalan ng respeto kung minsan sa guro at imbis na matuto, pagkairita at pagkainis ang mamuo sa isipan at damdamin ng mag-aaral.
Walang masama na gamitin ang paraan ng pagpapatawa sa klase dahil epektibo ito. Lagi lang tandaan na gamitin ito sa tamang paraan, sa tamang pagkakataon at sa tamang madla.
By: GNG. CHERYL G. CRUZ | TEACHER I | LAMAO NATIONAL HIGH SCHOOL | LAMAO LIMAY, BATAAN