“Pagod na ako.”
Ito ang naituran ni Ma’am sa kanyang sarili habang nakatingin siya sa salamin matapos ang buong maghapong pagtatrabaho nang araw na iyon.
Tunay na mas nakapapagod ang online classes kaysa sa face to face classes noong araw. Tila mas nakakawala ng enerhiya ang maghapong pag-upo sa harap ng laptop at pakikipag-usap sa mga bata.
Hindi tulad noon, maghapon man ang trabaho, anim na section man ang tuturuan at haharapan ni Ma’am sa buong maghapon ay ramdam naman niya ang init ng pagmamahal ng mga mag-aaral na nakapaligid sa kanya. Nakikita niya ang masayahing reaksyon ng bawat bata sa klase tungkol sa kanyang mga itinuturo.
Isang buntong – hininga ang binitiwan ni Ma’am. Sa panahon ngayon, tila nakikipag-usap siya sa malalamig na robot. Hindi niya ramdam ang init ng pakikitungo ng mga batang tanging pangalan at retrato lamang ang kanyang nakikita, hindi niya nakikita ang reaksyon ng mga mukha ng mga ito…
Isang buntong – hininga na naman ang lumabas mula kay Ma’am, sa gitna ng kanyang pagmumuni – muni ay tumunog ang kanyang cellphone, indikasyon na may pumasok na mensahe sa kanya, agad niya itong kinuha upang basahin ang kung anuman iyon.
Isang buntong – hiningang may kalakip na ngiti ang pinakawalan ni Ma’am. Sa kahit na anong oras o pagkakataon, ang tanging makakawala lang talaga ng pagod ni Ma’am ay ang mga estudyanteng kahit hindi niya nakikita ay minamahal pa rin niya.
Ma’am, Maraming salamat sa pagtuturo, marami kaming natutuhan ngayong araw!
Sigurado si Ma’am na mahal din siya ng kanyang mga estudyante.
By: Jennylyn S. Ramos