Guro ang susi sa lahat ng suliranin ukol sa mabisang pagtuturo. Kung baga sa isang manggagamot, nararapat pulsuhan ng guro ang kanyang mga mag-aaral, damhin at pakinggan ang tibok ng kanilang puso, pag-aralan ang sanhi ng kanilang karamdaman bago lapatan ng kaukulang lunas”, ayon kina Fernandez at Lim (2013).
Dagdag pa ni Papham (1980),“malaki ang tungkuling ginagampanan ng guro sa pagpapaunlad ng mga kakayahang taglay ng mga mag-aaral. Ang kanyang impluwensiya sa lipunan at sa paghubog ng mga kakayahan ng mga mag-aaral ay hindi matatawaran kailanman. Bilang magulang, siya ang nagsisilbing buhay sa pagpapalago at pagpapayabong ng anumang kakayahan mayroon ang mga mag-aaral”.
Ang epektibong pag-aaral ay nakabase sa epektibong ugnayan ng mag-aaral at ng guro. Ayon kay Badayos (1999) sa pagbanggit ni Tomas (2004), “ang pagtuturo ay isa sa mga pinakakomplikadong gawain o propesyon. Sa larangan ng pagtuturo ng wika, ang usapan ay palagi nang nakasentro sa guro ng wika at kung paano sila nagtuturo. Ang isang epektibong guro ay hindi lang nakasalalay sa kahusayan sa pagtuturo kung hindi ang kakayahang umunawa at makipag-ugnayan sa mga mag-aaral”.
Ang kaalaman sa linggwistika ay nakatutulong sa isang guro sa pagtukoy sa mga layunin sa pagkatuto sa pag-alam sa mga paraan o pamamaraan ng pagtuturo sa pagtaya sa kaangkupan ng isang pagbabago sa pagtuturo ng wika sa pag-aayos ng mga dapat ituro sa wika. Dagdag pa niya, ang isang gurong may nalalaman sa linggwistika at sa mga teknik sa pagtuturo ay higit na magiging matagumpay sa kanyang gawain kaysa sa isang gurong mga teknik lamang ang alam. Bukod pa dito tinuran din niya na ang mga datos sa linggwistika ay maaring magamit ng guro ng wika ngunit ang mga iyon ay dapat niyang ayusin o imodipika ayon sa kanyang pangangailangan bilang guro
Ayon kay Dr. Leticia Cantal hindi sapat na maituro ng isang guro kung ano ang mga araling o paksang nakapaloob sa kanyang silabus kung hindi kung paano niya ito maituturo at matutunan ng kanyang mga estudyante. Kaya nga sinasabi na ang kahusayan ng pagtuturo ay nasusukat hindi sa dami ng mga naituro kundi bagkus sa dami ng mga natutuhan ng kanyang mga estudyante. Sa panahon ngayon ng globalisasyon, na ang mga mag-aaral ay nahaharap sa makabagong teknolohiya gaya ng internet at iba pang makabagong paraan ng komunikasyon, isa sa nagiging malaking sakit ng ulo ng mga guro ang mapanatili ang interes at atensyon ng mga estudyante sa aralin sa loob ng klasrum. Sang-ayon sa isang pag-aaral, ang dating 30-40 minutong tagal ng interes at atensyon ng isang adult learner ay nagiging 15-20 minuto na lamang.
Dagdag naman ni Dr. Leticia Cantal sa kanyang akdang “Isang Malikhaing Pagtuturo ng Wika Tungo sa Paglinang ng Kasanayang Pangkomunikatibo: Mga Tunguhin at Estratehiya”, ang mahusay na klasrum pangwika ay yaong may aktibong interaksyon sa pagitan ng guro at estudyante,at estudyante sa kanyang kapwa estudyante. Ang guro ang nagsisilbing tagapatnubay o pasiliteytor lamang sa iba’t ibang gawain sa klasrum at ang mga estudyante naman ay aktibong nakikilahok sa iba’t ibang gawaing pangkomunikasyon. Sa interaksyon ng mga estudyante sa kapwa estudyante, kailangang bigyan sila nang pantay na pagkakataon na makilahok sa iba’t ibang gawain upang malinang kani-kanilang kasanayan.
By: Ms. Joanna Marie C. Ramos | Teacher 1 | Mariveles National High School – Cabcaben Annex 2 Batangas 2