Ang buhay ng isang guro ay kapuri-puri at kahanga-hanga.Nguni’t naisasabuhay kaya ng lahat ng guro ang ganitong katotohanan at kalagayan? Hindi kaya may iba na pinalilipas lamang ang oras ng walang kapaki-pakinabang na mga bagay na naisalin sa kaisipan ng mga mag-aaral? Hindi kaya abala sila sa iba pang mga bagay? Totoo kaya na may mga guro na ginagamit ang oras na nakalaan para sa mag-aaral sa pakikipag-chat sa Internet. O kaya naman ay ginagamit ang oras niya sa paaralan sa pagtitinda ng kanyang mga kalakal? O paggawa ng mga bagay na hindi kaugnay sa aralin ng mga guro? Pero, teka muna, huwag natin silang husgahan, maaaring may mahalagang dahilan kaya nila naisagawa ang mga nabanggit. Bakit hindi natin alamin ang maraming mabubuti at di nahahayag na mga bagay tungkol sa kanila, na maaaring di natin alam na taglay at ginagawa niya?
Napakinggan mo na ba angaming guro na magturo? Tatangayin ka niya sa ibayong daigdig sa pamamagitan ng kanyang husay sa pagtalakay at husay sa pakikipagtalakayan. Ang ngiti niya ay sapat upang makilahok sa nagaganap na talakayan. Hindi ka puwedeng di-magpasa ng mga proyekto sa dahilang di mo nauunawaan ang kanyang itinuro, dahil pati ang pinakamahina sa kalase ay lumahok sa talakayan noong panahon na ipinaliliwanag niya ang tungkol dito. Magiliw siya sa aming mga magulang at magiliw din sila sa kanya. Napakahusay niyang makipag-usap sa mga magulang at mga panauhin. Ilang beses na siyang nabigyan ng “Dakilang Guro “Award dahil sa wala niyang sawang pagtuklas ng mga kagamitang pagtuturo. Marahil ay isa ito sa mga dahilan kaya kami ay sabik sa pagpasok sa kanyang klase, dahil tiyak ay may bago na naman siyang kagamitan para ipaliwanag ang aralin sa araw na ito. Napakagaling din niyang makisama sa mga kapuwa guro, mga mag-aaral , sa punong-guro , mga magulang at sa pamayanan. Noong minsan nga ay nagkaroon ng emergency sa bahay ang guro sa katabi naming silid-aralan, pinagbilinan kaming mabuti ng aming guro na tapusin an gaming Gawain at titingnan daw lamang niya ang mga bata sa katabi naming silid-aralan. Hindi siya umalis hanggang wala ang sundo ng mga bata, samantalang palipat-lipat siya sa pagsilip sa amin at sa mga bata sa kabilang kuwarto. Taglay din niya ang kakayahang mamuno sa mga kaguruan. Siya ang pang-ulo ng samahan ng mga guro. Ang napag-uusapang mga suliranin ay idinudulog niya sa punong-guro upang talakayin at bigyan ng solusyon.
Hindi mo din maririnig na siya ay nagsasalita ng masama sa kapuwa, hindi rin siya mahilig sa tsismis. Marahil ay alam niya na kapag itinuro ng daliri niya ang isang tao, ay apat na daliri naman ang nakaturo sa kanya. Ang katuwiran niya marahil ay bakit naman sasayangin ko ang oras ko sa mga bagay na walang idudulot na mabuti, samantalang marami akong bagay na puwedeng gawin. Kung wala akong masasabing mabuti sa kapuwa ay mabuti pang manahimik na lamang ako.Marahil ay di rin siya mahilig mangako. Siya ang guro na Oo kung Oo at Hindi kung Hindi.Naniniwala siya na huwag na lang mangako kung di tiyak na magagawa. Ang sabi nga ni Rousseau, isang kilalang pilosopo, sa wikang Ingles ay” He who is most slow in making apromise, is the most faithful in the performance of it.”
Ang aking guro higit sa lahat ay naniniwala sa kanyang pagtuturo na “ Lalo mong ibigin ang mga hindi kaibig-ibig, at lalo mong lapitan ang mga hindi kalapit-lapit.” Marami pa siyang mga nakakubling mga katangian na kanyang inilalabas sa tamang oras. Siya ang aking guro.Marahil ss pagdaan ng panahon ay mararating niya ang mataas na puwesto na ayon naman sa kanyang mga kakayahan at siya namang nararapat.
Sanggunian
Corpuz, B.B.& Salandanan, G .Principles of Teaching. Lorimar Publishing. Q.C 2006
By: Maria Leonora E. Pantig | Teacher III | BALANGA ELEMENTARY SCHOOL | City of Balanga, Bataan