“Climate Change”, dalawang salitang nagpapabago ng takbo ng buhay ng lahat ng tao sa mundo at lubhang nakakaapekto sa ating lahat na nilikha ng Diyos. Sinasabing ang climate change ang isa sa tinitingnang sanhi ng di-pangkaraniwang kalamidad na nangyayari sa iba’t-ibang panig ng mundo. Isa ang bansang Pilipinas sa nakararanas ng mga pangyayaring ito na maaaring dulot ng pagbabago ng panahon o climate change.
Mapapansin natin na tuwing summer season ay patindi ng patindi ang init ng panahon o heat waves kung kaya’t marami ang nagkakaroon ng iba’t-ibang karamdaman tulad ng heat stroke, sunburn, dehydration at kung malala pa ay nauuwi sa kamatayan. Minsan din ay nakakaranas tayo ng biglaang pag-ulan, matinding pagsikat ng araw at biglaang pag-ulan muli. Marami tuloy sa atin, mapabata o matanda, ay nagkakaroon ng sakit tulad ng lagnat, ubo, sipon o di kaya nama’y trangkaso.
Ang patuloy na pagputol ng mga puno sa kapaligiran, ang pagsisiga ng mga plastic at iba pang mga basura, ang maiitim na usok na binubuga ng ating mga sasakyan, ng iba’t-ibang pabrika o pagawaan, at ang walang disiplinang pagtatapon ng mga basura sa anyong tubig at anyong lupa ang ilan lamang sa mga dahilan kung bakit natin nararanasan ang mga pagbabagong ito. Ayon sa pag-aaral ng Science Organization na Climate Central, pagdating ng taong 2050 ay isa ang Pilipinas sa mga pinakamaaapektuhan ng pagtaas ng sea level dahil sa epekto ng climate change. Ayon din dito, ilang bahagi ng ating bansa ang maaaring maging flood zone sa loob ng tatlong dekada.
Ang mga epekto ng ating mga ginagawa sa kasalukuyan ay maaaring danasin ng mga susunod pang henerasyon sa hinaharap. Sumagi ba ito sa iyong isipan? Maaatim ba ng iyong kalooban na pagmulat pa lamang ng kanilang mga mata upang matunghayan ang ganda ng kalikasan ay may problema na silang kailangang pagdaanan? Naisip mo ba na ang kapabayaang iyong ginawa sa kalikasan ay sila ang aani at magdurusa?
Bakit hindi natin muling ibalik ang dating sigla ng ating kalikasan upang ang mga pagbabagong ito ay hindi natin maranasan at ng mga susunod pang henerasyon? Magtanim tayo ng mga puno at halaman, linisin ang mga ilog at baybaying dagat, itapon ang ating mga basura sa tamang lagayan at pagsusunog ay iwasan. Ito ay ilan lamang sa mga simpleng bagay na ating magagawa upang mapangalaan at mapanatili ang ganda ni Inang Kalikasan. Ating tandaan na nilikha tayo ng Diyos upang pangalagaan ang iba pang kanyang nilikha hindi upang wasakin at abusuhin ng walang pakundangan.
By: Mrs. Rowena D. De Leon | Teacher II | Our Lady of Lourdes Elementary School | Munting Batangas, Balanga City, Bataan |