Hunyo 04,2013, Ito ang unang araw ko ng aking paglalakbay sa isang munting paraiso ang “ Bani Elementary School “,marahil habang nilalandas ko ang daan papunta dito maraming katanungan ang tumatakbo sa aking isipan.” Tatagal ba ako? “ o “ Kakayanin ko ba ang araw-araw na pakikipagpanday ko sa daang aking tatahakin papunta dito? “ Hanggang sa marating ko ang munting paraisong ito.
Sa ilang minuto ng aking paglalakbay ako’y buong pusong kinalinga at tinanggap ng bumubuo sa paaralang ito.Ang mga kapwa ko guro na kahit minsan hindi ko kakikitaan ng pagkukunwari , ng paghuhusga , na magiging sandalan ko sa anumang sitwasyon na hihingin ng pagkakataon at higit sa lahat ng mga gurong alam ano ba ang tunay na kahulugan ng guro sa isip , sa salita at higit sa lahat sa gawa.
Marahil ito ang nakapagpapawi ng aking mga pangamba , alinlangan, at mga alalahanin at siguro ako’y dinala dito ng aking kapalaran hindi marahil “ kailangan” o “tawag lamang” ng aking tungkulin o propesyon kung hindi nararapat kong mahalin ng buo kong pagkatao ang kabuuan ng mumunting paraisong ito.
Ngunit ang higit sa nakapagpabago sa aking pananaw at sa buo kong pagkatao ay ang mga mag-aaral na siyang nagtitiis , nagtitiyaga at nagsusumkap na lumakad ng milya-milya na madalas ay hindi alintana ang maaaring maranasan sa gitna ng kanilang paglalakbay patungo sa kanilang munting paraiso.
Umulan at umaraw sila’y handang pumasok upang sa akin ay matuto , makinig ,sumunod at higit sa lahat upang masilayan ang mga ngiti ng mga mumunting paslit. Ngiti ng bawat paslit na kahit anong ngiti ay inilalarawan ang tunay na hirap ng buhay, ang lungkot at saya na hated ng buhay , pakikipagsapalaran at pagsusumikap upang makaahon sa anumang balakid na dinadala ng panahon.
Alam ko na ako ang instrument upang sila’y hatiran ko ng ginintuang kaalaman, patnubayan ,alagaan at higit sa lahat hubugin sila upang may sandata sila na makipagsapalaran sa anumang kahulugan ng buhay at higit sa lahat upang maging responsible at produktibong mamamayan na mag-aangat sa kanila sa kahirapan at mag-aahon din sa ating pamayanan at bansa tungo sa isang kaunlaran hindi lamang ngayon kundi sa mga darating pang mga panahon at henerasyon.
Edukasyong parehas naming patuloy na pinapanday sa lahat ng oras , panahon at pagkakataon.
Ngayon sa ilang buwan ng aking pananatili sa munting paraisong ito natutunan ko ano marahil ang aking halaga? Naipakita nito ang aking kalakasan bilang isang tao at bilang isang guro at itinuro din sa akin kung paano ko mapaglalabanan ang aking mga kahinaan.
Natuto ako hindi lamang sa isinasaad ng bawat pahina ng aklat kundi iminulat ako sa tunay na takbo marajil ng buhay. Natuto ako sa mga mag-aaral na sila ang tanging dahilan kung bakit ako napatungo sa munting paraisong humubog sa akin bilang isang tunay na guro na handang makipagsapalaran sa anumang sitwasyon.
“ Munting paraiso ‘ subalit malapalasyo naman ang aral na inihatid nito sa aking pagkatao bilang isang guro. Batid natin marahil na tayo ang makapagtuturo at makapaghahatid ng sapat na kaalaman ng bawat mag-aaral, na sila’y natututo sa bawat salitang ating binibitawan subalit tayo bilang guro wagas ang aral na ating natutuhan sa bawat karanasan n gating mga mag-aaral na makapagtuturo sa atin ang tunay na kahulugan ng buhay at ang tunay na layunin n gating propesyon.
Ngayon napagtanto ko din na tayong mga guro ay hindi sapat lamang na pumasok lamang sa loob ng isang linggo at kung minsan labis pa rito hindi marahil ito’y kailangan , nararapat o dahil tawag lamang n gating tungkulin bagkus mahal natin at taos sa ating mga puso ang tunay na kahulugan at tungkulin ng ating propesyon.
Tayo ay tunay na mga guro sa isip, salita at higit sa lahat sa ating mga gawa. Masarap tawagin tayong ‘ Ma’am “ , “Sir’ , “ Madam” , at iba pa subalit ating tanungin ang ating mga sarili tinatawag ba tayong ganito dahil ito ang nararapat sa atin y itawag o dahil tayo ay kanilang tinitingala at nirerespeto dahil tayo’y isang mabuting huwarang guro?
By: Grace B. Almario