Nasaan na nga ba ang guro?
Na sa akin ay nagturo,
Panimulang sulat at pagbasa,
Sa kanyang kandungan hinasa.
Nasaan na nga ba ang guro?
Na tumayong magulang at saklolo,
Sa kasiyahan at kagipitan,
Sya ay laging naririyan.
Tila isang bakas na lamang,
Na sa akin nadatnan,
Nagtanong kung saan-saan,
Nasaan na nga ba ang gurong turan?
Aking sinaliksik at hinanap,
Ang sagot na hindi malasap,
Hanggang nakita at nadama,
Gurong ito’y nasa ibang bansa na.
Minsan nagsalin ng munting karunungan,
Ang sabi’y maglingkod sa inang bayan,
Ngunit ang tanong at panambitan,
Bakit guro ikaw ay nariyan?
Alang magagawa pa kung sila ay lumisan na,
Dahil sa hirap na tinatamasa,
Wala ng hinihiling pa,
Kundi mabuhay ang pamilya nila.
Sa bandang huli ako ay umaasa,
Na dito sa tinubuang bansa,
Ang aking guro ay babalik na kusa,
Dahil walang maikukumpara sa pinagmulang bansa.
By: Mr. Oliver Bactad Leonardo | Teacher 1 | Bataan National High School