Natatanging Mga Bulaklak

  Ang mga bulaklak ay likha ng ating Panginoon upang magbigay ng kakaibang kulay sa ating daigdig. Sa dulot nitong bango, kapanatagan ang nagagawa nito sa sanlibutan.             Isa sa naiiba kong nakakahiligan ay ang pagtatanim ng mga kakaibang bulaklak, nakakatuwa silang pagmasdan sa palibot ng aming bahay. Sa isang panig nito ay ang mga…


 

Ang mga bulaklak ay likha ng ating Panginoon upang magbigay ng kakaibang kulay sa ating daigdig. Sa dulot nitong bango, kapanatagan ang nagagawa nito sa sanlibutan.

            Isa sa naiiba kong nakakahiligan ay ang pagtatanim ng mga kakaibang bulaklak, nakakatuwa silang pagmasdan sa palibot ng aming bahay. Sa isang panig nito ay ang mga bulaklak ng gumamela, sa ibat-iba nitong kulay, may pula, rosas, dilaw, kahel pagkagaganda. Sa paligid ng aking hardin ay pinalibutan ko ng ibat-ibang kulay ng alas diyes. Maganda rin ang pagyabong ng aking mga orkidyas na maingat kong binuhay sa mga piling tuod. Ang naninilaw na Cosmos na sa wari’y mabining inuugoy ng ihip ng hangin. Gumagapang namang paakyat ang aking mga yellow bell na sa tuwina’y umaakit sa paningin ng marami dahil sa liwanag ng kulay. Ang mga piling rosas na nagmamalaki sa naiiba nitong ganda.

            Ang paaralan ay inihahambing ko sa aking malawak na hardin sa aming bahay, nililibang ko ang aking sarili sa paghahambing sa mga batang ito sa tanim kong mga bulaklak, na sa tuwina ay nakakasama ko sa araw-araw.

            Ang makukulit kong mag-aaral na maihahambing ko sa mga bulaklak ng alas diyes, bagama’t may naiibang ganda ang pamumukadkad nito ay tumatagal lamang ng ilang oras, ganoon din naman sila, dapat samantalahin ang maikli nilang kawilihan na kadalasa’y sampung minuto lamang. Kapag lumipas na ito, katulad ng bulaklak na alas diyes, agad itong nalalanta. Ngunit ang mga bulaklak na ito ay napakadaling buhayin at padamihin, wastong pangangalaga lamang at paggabay ang kailangan ng mga ito, katulad ng mga mag-aaral na makukulit, isang malaking hamon sa isang guro kung paano nya aangkinin ang atensyon ng ganitong mga mag-aaral, ang paghahandang ginagawa ng mga guro mula sa visual aids, hanggang sa paraan ng pagtuturo dapat makatawag ito ng pansin ito upang ang atensyon nila ay mapunta sa aralin.

            Ang mga mag-aaral naming matatalino ay katulad ng mga alaga kong orkidyas, bihira at naiiba mula sa lahat. Maingat na pangangalaga ang kailangan dahil minsan magalaw lamang sa kinakapitan daling malalanta. Ang mga mag-aaral na may angking matataas na antas ng katalinuhan ay mapapansing mapagmasid, mapanuri sa mga araling binibigay ng mga guro, kaya ang mga guro ay dapat sampung dipa ang lamang sa kanila.

            Nangingiti ako habang pinagmamasdan ko ang mababait at masayahin kong mga mag-aaral, kakaibang ligaya ang hatid nila sa aming mga guro, sila ay katulad ng aking mga yellow bell, kulay dilaw nagniningning sa kislap ng sikat ng araw, nakaipon sa itaas ng sanga ang mga bulaklak, kumpol kumpol… nangingibabaw sa lahat, tulad ng mga mag-aaral na ito, tahimik na nakikinig sa mga aralin, aktibo sa ginagawang talakayan, ramdam mong guro ka sa kanila, dahil sa puso nila alam mong babaunin nila saanman sila magtungo ang mga aral ng buhay na ibinahagi mo sa kanila.

            May mga mag-aaral ding mailap at matagal magtiwala sa kapwa, sila yung tahimik at walang tiwalang makipag-usap sa iyo, isang buwan mo ng hawak pero ni pangalan mo di niya alam, tinuturuan mo pero di mo tiyak kung ano ang iniisip, kung ito ba ay nagtitiwala sa mga sinasabi mo o wala lang. Ang katulad nila ay mga bulaklak ng rosas, kailangan ng maingat na pag-aalaga dahil madali siyang magtampo at mamatay tulad ng mga batang maiilap nangangailangan ng maingat at tunay na paga-aalaga upang maramdaman nila ang iyong pagkalinga. At matapos ang maingat na pag-aalaga sa kanila isang napakagandang bulaklak ang ibubunga nito.

            Tulad ng mga mag-aaral na ito hindi ka nila malilimutan sa kanilang buhay, lalo na sa paglipas ng panahon, babalikan ka nila at pasasalamatan sa mga ginawa mo sa buhay nila, napakagandang bulaklak.

            Napakasarap pasyalan ng naiiba kong hardin na ito, ang mga bulaklak, ang mga mag-aaral natin, lagi nilang ipinapaalala sa atin kung gaano tayo kamahal ng Diyos, kung paanong ang bawat bata ay espesyal na regalo ng Diyos sa atin… kung gaano sila kaespesyal sa paningin ng ating Panginoon ganoon din sana natin pakaingatan ang gagawin nating paghubog sa kanila.

 

By: Ma Czareanah Anne F. Wee |Teacher I- Bataan National High School| Balanga, Bataan