Negatibo Laban Sa Positibo

Ang halagang ginagampanan ngayon ng Alternatibong Sistema ng Pag-aaral (ALS) upang mas lalong matupad ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ang kanilang pangunahing gampanin at layunin ay ang  matamo ng lahat  ang karapatan ng isang Pilipino na magkaroon ng libre ngunit de-kalidad na edukasyon. Sa  katotohanan na ang ALS lamang ang makapagpupuno sa kakulangan ng pormal…


Ang halagang ginagampanan ngayon ng Alternatibong Sistema ng Pag-aaral (ALS) upang mas lalong matupad ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ang kanilang pangunahing gampanin at layunin ay ang  matamo ng lahat  ang karapatan ng isang Pilipino na magkaroon ng libre ngunit de-kalidad na edukasyon. Sa  katotohanan na ang ALS lamang ang makapagpupuno sa kakulangan ng pormal na Sistema ng pag-aaral ukol sa pagbibigay ng edukasyon para sa lahat ay makatwiran lamang na mas lalo itong palakasin at paigtingin ng pamahalaan dahil ito ay para rin sa kapakanan at pagpapalakas ng ating Republika.

Hindi makatarungan na ang mga pagod at hirap ng mga tagapagturo ng ALS ay suklian ng ‘kawalan ng tiwala’ at negatibong mga salita mula mismo sa mga tagapanguna at iba pang sangay ng gobyerno dahil hindi naman  nila lubos na nauunawaan ang mga pinagdadaanan ng mga DALSC, Mobile Teachers at Instructional Managers. Ang mga negatibong salita ay nakakapagpababa ng dangal at kompiyansa upang maihatid ng mabuti ang mga programa ng Alternative Learning System para sa mga kabataan at katandaan na nawalan ng pagkakataon sa edukasyon. Ang edukasyon na kukumpleto ng pagkatao at mga pangarap ng mga ALS Learners.

Sa mga karanasan ng mga District ALS Coordinators sa pag-uugnay ng mga programa sa mga komunidad o sa  nasasakupang munisipalidad ay hindi birong gampanin dahil ito ay kung paano maipapaalam na mayroong Alternatibong Sistema ng Pag-aaral para sa “lahat” ng mga nangangailangan nito. Ang mga pagsisikap ng mga “Mobile Teachers” na makipamuhay sa pinili nilang lugar upang pangyarihin doon ang pagtuturo ay mistulang napaka-imposible sapagkat iba-iba ang lebel ng  kasanayan, kalagaya pampamilya, edad at karanasan  ng kanilang mag-aaral.

Ang pagpunta ng mga ALS Implementers sa mga lugar na malalayo katulad ng mga bagong tatag na baryo o sitio na lubhang malayo ay posibleng maging napakamapanganib lalo na kung isasaalang-alang ang kanyang edad, kasarian o karanasan at pinanggalingang kultura at paniniwala.

 Masasabi mang sapat ang pondo o laan na gastusin at benepisyo para sa ganitong gawain ay huli naman sa tamang pagkakataong naibibigay o nailalabas ang mga panggastos sa larangan ng learning materials at trasportasyon. Sa kabila ng katotohanag nakakapagod at gasgas pa ang kanilang bulsa sa maraming pagkakataon sa ganitong mga aktibidad at nasasakripisyo o naipapaluwal pa ang kanilang pang personal na kita, maipagtagumpay lamang at matupad ang mga programa ng ALS.

Sa mga negatibong sitwasyon o hirap na dinaranas ng mga DALSC at Mobile Teachers at iba pa nilang kasamahan sa implementasyon ng ALS ay dito rin nila hinuhugot ang mga positibong prinsipyo na magsisilbing pundasyon  sa pagpapatuloy ng kanilang adbokasiya. Ang mga guro ng ALS ay hindi lamang umuunlad sa aspeto ng pagtuturo. Hindi lamang dahil  sa pamamagitan ng mga Update-workshops at Trainings na ibinibigay ng Department of Education para sa kapakanan ng mga learners, kundi malaking kontribusyon ang aktuwal na pakikisalamuha o pakikipamuhay sa mga tao kaya nagiging bihasa sila bilang isang epektibong community organizer na isang mahalagang medium o parte ng lipunan.

 Bilang itinuturing na ‘guro’ sa komunidad, siya ay maaring dulugan ng mga tao o mamamayan. Sila mismo ay magmimistulang ‘guidance counselor’ di lamang para sa kanilang mga learners kundi kasama na rin ang mga miyembro ng pamilya nito at mga makakasalmuha nilang tao sa komunidad.

            Ang mga ALS Teachers ay nagiging mas flexible at creative o mas nagiging malikhain sa paraan ng pagtuturo o pagbibigay motibasyon sa kanyang mga learners dahil iba’t-iba sila  mula sa antas ng pamumuhay, kasarian, edad at narating na pag aaral hanggang sa estado-sibil.

Sa labas ng paaralan, may ilan na nakikita silang (mobile teachers) na mas mababa ang turing kaysa sa mga guro na nasa loob ng paaralan. Marahil sila ay naarawan, pinapawisan at lubhang pagal ang itsura pagdating nila sa malalayong lugar ng pagtuturuan.

            Ang  inklusyon  sa pakikipamuhay at pakikisalamuha kasama ang mga tao sa komunidad ay mas nakikilala at nakakakuha ng pagkilala o rekognisyon para sa mga ALS mobile teacher  mula sa mga tao o pinunong lokal pangunahin na sa mga pamahalaang pambarangay sapagkat ang ganito ay upang lubusang  makapalagayang loob hindi lamang ang mga learners kundi pati na rin ang mga indibidwal at personalidad sa lugar na maaring sumuporta at magbibigay ng tulong para sa ALS at upang maipakilala  na mayroong Alternative Learning System para sa mga nangangailangan nito.

May ilang mga tao na maaring sila ay hindi mauunawaan ang  adbokasiya ng ALS pangunahin na ang kanila mismong kapamilya o kaibigan at ituring silang walang plano o magandang pangarap o mas mataas na ambisyon sa buhay. Sa madaling salita, nararanasan lalo nang mga mobile teachers na maging ang tingin sa kanila ay isang mababang uri ng guro. Ang ekspresyon  mula sa mga peer-teachers na “wala raw matututunan sa ALS”. Ang marinig mismo ang pag-aglahi sa mga ALS Passers na “tsamba” ang kanilang pagkapasa. Ang diskriminasyon ng ilang kolehiyo at unibersidad at hindi sila (ALS Passers) payagan pakuhanin ng board courses sa kabila na kanilang naipasa ang Entrance College Test.

Sa kabila ng mga nararanasang pagturing mula sa mga ibang mga tao ay handa ang mga ALS Implementers para sa learners na ipagpatuloy at itaguyod ang sistemang ito ng edukasyon sapagkat nakakaramdam sila ng fulfilment at mataas na respeto sa sarili dahil ito ang kanilang gusto at kahit nahihirapan sila ay makahulugagn  ang kanilang trabaho. Mapaninindigan ng Alternatibong Sistema ng Pag-aaral ang kalidad ng edukasyon na maikukumpara ang mga mapagkakalooban ng “katibayan ng pagtatapos” sa ‘school system’ sapagkat hindi naman ang mga ALS Teachers ang magdedeklara na ang bata ay kasing-runong ng mga nagtapos sa pormal na paaralan. Sa madaling paliwanag, sila ay magtuturo lamang at pagdating ng ng tamang oras at pakukuhanin sila ng Accreditation and Equivalency (A&E) Test at mapagkakalooban lamang sila ng katibayan ng pagtatapos sa elementarya o sekondarya na ang mismong lalagda sa sertipiko ay ang kalihim mismo ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd).

Mas malaking stress o bigat ng pressure na kinakaharap ng mga ALS Implementers sa pamamaraan ng ganitong sistema ng pagtuturo subalit mas maraming panahon o pagkakataon na mag adjust ng kanyang oras sa isang partikular na asignatura na siyang maaring kinakailangan ng pagkakataon o ng kanilang mag-aaral. Marami ang naniniwala na mas maraming mapagkukunan ng kaalaman kaysa sa silid-aralan.

Sa huli, ang mga negatibong naranasan, nararanasan at daranasin pa nila, ang mga ALS implementers higit ang mga mobile teachers ay handang maninidigan para sa kanilang mga learners. Palagi nilang nababatid na may hirap, matinding pagod at sakit ang nakakabit sa adbokasiyang ito ngunit kailanman ay hindi ito magiging dahilan para iwan nila ang sistema. Sila ay magpapatuloy umulan man, bumagyo man o kahit sunugin man ang talahiban na kanilang dapat daanan mapuntahan lang ang mga naghihintay na mga learners. Ang mga malalakas na alon ang magsisilbing motibasyon sapagkat malaki ang gantimpala sa tunay na pagsasakripisyo. Susuklian namin ng mabubuting paggawa ang mga negatibong salita. At, patuloy naming ipapakilala sa lahat na mayroong Alternative Learning System.

By: Junaryz Roger S. Esdicul