Simula ng ngakaroon ng covid-19 sa ating bansa, naapektuhan ng husto ang edukasyon o pag-aaral ng mga estudyante. Minabuting ipasara lahat ng paaralan para maiwasan ang pagkalat ng virus, at mapanatiling ligtas hindi lamang ang mga guro pati na rin ang ating mga estudyante. Ngunit hindi ito dahilan para ang mga estudyante ay hindi na makapag-aral o makapagtapos ng kanilang pag-aaral. Pinatupad ng DepEd ang pagkakaroon ng distansiyang pagtuturo sa mga bata, katulad ng pagbibigay ng modyul, online class at iba pa.
Tinatawag ang paaralan na pangalawang tahanan ng bawat mag-aaral, dito isinasagawa ang kanilang pagkatuto sa tulong at gabay ng kanilang mga guro, ngunit hindi lamang dapat sila sa paaralan nag-aaral o tinuturuan ng mga magagandang gawain sapagkat ang ating tahanan ang siyang naging unang lugar kung saan tayo unang natuto magsalita, maglakad, tumakbo at iba pang bagay, noong tayo ay bata pa. Ngayong pandemic ay tanging kani-kanilang bahay ang nagsisilbing paaralan ng bawat mag-aaral. Nagkaroon ng kaunting pagbabago katulad na lamang na hindi na nila kailangang gumising ng maaga upang magbihis papunta sa eskwelahan, hawak din nila ang kanilang oras sa pagsasagot ng kanilang modyul, at walang guro na umiikot para tignan ang kanilang mga ginagawa.
Ang guro ay siyang pangalawang magulang ng mga estudyante na nagtuturo ng tama at mali, na kinukuhanan natin ng kaalaman, na ngayon ay hindi natin pwedeng makasama, malapitan o matanungan sa malapitan, dahil sa ating tahanan na nagsisilbing paaralan ay walang gurong susuway sa mali mong ginagawa, walang gurong susubaybay sayong pag-aaral, walang magpapaliwanag ng inyong aralin na hindi mo naiintindihan, walang magtsitsek kung ikaw ay pumasok o lumiban sa klase. Ngunit andito sa ating tahanan ang ating mga magulang na siyang unang nagturo sayo magsalita at iba pang bagay bago lumawak ang iyong kaalamaan sa eskwelahan.
Ating magulang, guro sa tahanan na nagsisilbing paaralan. Katulad ng isang tunay na guro ang magulang mo ay sumusuporta sayo, nagpapaaalala at naghihikayat na ikaw ay mag-aral upang matuto. Malaki ang gampanin ng bawat magulang lalo na ngayong pandemic bukod sa sila ay nanay at tatay mo sa bahay, sa oras ng iyong pag-aaral sila ay nagiging guro. Ang magulang ang magbibigay sayo ng mga dapat mong gawin araw-araw habang nag-aaral ng leksiyon sa inyong tahanan.
Bilang isang magaaral sa tahanan dapat tinutulungan natin ang ating sarli katulad ng pagtulong sa atin ng ating mga magulang. Sundin ang kanilang patakaran katulad ng pagsunod mo sa iyong guro sa eskwelahan. Huwag natimg hayaan ang ating mga magulang ang siyang magsagot ng ating modyul, na dapat tayong estudyante ang gumagawa, tandaan natin na sila ang guro sa tahanan katulad ng guro sa eskwelahan na hindi pwedeng utusan, bagkus sundin ang kanilang patakaran.
References:
Pag-aaral mula sa bahay: Impormasyon para sa mga magulang at mga tagapag-alaga – Filipino
By: Margie S. Junio | Teacher I | Jesus Is Lord Christian School