Ang pagiging isang guro ay isang marangal at mabuting trabaho na maipag-mamalaki natin sa lahat. Ang pagtuturo ay masasabi kong isa rin sa pinakamahirap na trabaho, bakit? sapagkat ang pagiging guro ay walang lugar ang pagkakamali, kailangang bawat kilos, salita at aksyon na ating gagawin ay naayon sa tama. Tayo bilang isang guro ang siyang huhubog sa kaisipan at kabutihang taglay ng bawat estudyante na ating tuturuan. Ang mabuting guro ay hinuhubog hindi lamang ang kaisipan kung hindi pati rin ang puso ng isang mag-aaral. Guro ang siyang sumusubaybay sa bawat estudyante kasama nila tayo ng 5 hanggang 8 oras sa loob ng limang araw sa bawat linggo, ang guro ang isa sa may pinaka malaking impluwensyang sa buhay ng ating mga estudyante . Sa atin unang matututo ang mga kabataan bukod sa kanilang mga magulang, bilang isang guro ay dapat maging modelo sa kanila. Hindi lang natin pag mamasdan ang ating mga estudyanteng umunlad kung hindi gagabayan natin sila sa tamang pag- unlad. Kapag ikaw ay isang guro sa lahat ng pagkakataon ikaw ay isang guro, sa bawat lugar, panahon at pagkakataon dala mo sa iyong pagkatao ang pagiging isang guro. Bilang isang modelong guro tayo ay magsisilbing inspirasyon sa ating kabataan. Paano nga ba maging isang modelong guro? Paano ba magsalita ang isang modelong guro? Kailangang may dignidad, paggalang at respeto sa bawat tao isinasaalang -alang ang bawat salitang mamumutawi sa ating mga bibig. Sa loob ng paaralan nagpapakita ng respeto sa bawat karapatan ng estudyante at lahat ng miyembro ng paaralan, nangangaral gamit ang mabubuting salita. Paano ba manamit ang isang modelong guro? Ang mga guro ay may tinatawag na dress code, tamang uri ng pananamit , pagsusuot ng kagalang galang at desenteng damit sa lahat ng pagkakataon lalong lalo na kung pupunta sa pampublikong lugar, iayos ang sarili kung kinakailangan. Kung maari ay iwasan ang pagsusuot ng maiiksing kasuotan. Paano ang paraan ng pamumuhay ng isang modelong guro? Hindi kinakailangang maging marangya ang pamumuhay ng isang guro kundi kailangang mamuhay ng marangal at may prinsipyo, sa lahat ng ating kilos ay nararapat at nababatay sa batas ng Diyos at tao , upang pamarisan din ito ng kanyang mga kasama sa komunidad. Ang isang mabuti at modelong guro ay humuhubog ng buong pagkatao ng isang kabataan. Bilang isang tao at anak ng Diyos tayong mga guro ay hindi kailangan maging perpekto kundi kailangan nating maging isang mabuting tao na maaring igalang at pamarisan ng ating kabataan.
By: ROCHELLE S. LAMIRE | T-I | Mariveles National High School -CABCABEN