Sa kasalukuyang panahon, ang pangunahing tungkulin ng mga guro sa wika ay mapaunlad ang kasanayan ng mga mag-aaral sa pag-unawa sa pagbasa o reading comprehension. Nakalulungkot isipin na ang kakayahang taglay ng mga mag-aaral sa pagbasa ay iyong simpleng paggunita ng mga impormasyong tuwirang nakalahad sa teksto, kahit pa marami nang paraan sa ngayon ang nakatutulong upang matutong bumasa ang mga mag-aaral at isa na rito ang kompyuter.
Samantala sinasabing taglay ng isang mag-aaral ang kakayahang ito kung ang lebel ng kanilang pag-unawa ay nakabatay sa sumusunod; Una, Reading the lines o on the line, dito ipinakikita na ang isang mambabasa ay nakauunawa ng mga kahulugan at mahahalagang detalye ng teksto. Pangalawa ay pagbasa sa pagitan ng mga linya; kung saan ang mga mag-aaral ay inaasahang may mas malalim na pag-unawa sa binasa. Dito ipinakikita ang paghihinuha sa layunin ng awtor, pagbigay ng interpretasyon, pagbigay ng hatol at paghahambing ng ideya ng awtor sa ideya ng mambabasa. Pangatlo, Reading beyond the lines. Dito sangkot ang teknik, kritikal at malikhaing pagbasa; kung saan nahuhulaan ng mambabasa ang magaganap, natutukoy ang kongklusyon ng binasa, nakapagbibigay ng mga bagong padron ng mga ideya, at nakapagpapalawak ng sariling kaisipan. Maliban dito, masusukat ang antas ng pag-unawa sa pagbasa ng mga mag-aaral gamit ang taksonomi nina Bloom at Barret.
Ano ang pagbasang may komprehensyon?
Ang pagbasang may komprehensyon o pagbasang may pag-unawa ay pagbuo ng kahulugan habang nagaganap ang interaksyon sa teksto. Sinasabing kung walang pag-unawa ay walang pagbasang nagaganap. Ayon kay Goodman (1969) ang pagbasa ay nagiging makahulugan kung may interaksyon ang mambabasa at ang teksto. Kapag tayo’y nagbabasa, ang mga istratehiya natin sa pag-unawa ang dagliang nagbubunsod sa atin upang maiugnay ang ating kaalaman at mga karanasan sa mga impormasyon sa teksto upang makabuo tayo ng isang pagpapakahulugan. Ang pag-unawa/komprehensyon ay isang masalimuot na prosesong pangkaisipan. Hindi ito matututunan sa isang upuan lamang. Nangangailangan ito ng tuloy-tuloy na pag-aaral at paggamit.
Paano mapauunlad ang kasanayan sa pagbasang may komprehensyon?
Maraming babasahin sa kasalukuyan na nagtataglay ng mga mapanghamong tema o paksa kaya’t nararapat lamang na pagtuonan ito ng pansin. Mapauunlad ang kasanayang ito gamit ang iba’t ibang estratehiya Ang estratehiya ay plinanong pamamaraan tungo sa isang layunin. Ang ilan sa mga ito ay ang sumusunod:
Making Connection (Pag-uugnay)
Sa pamamaraang ito ang mga mambabasa ay nagkakaroon ng ugnayan sa binasang teksto sa kanilang sariling karanasan (text to self), sa ibang teksto (text to text), at pag-uugnay sa mga pangyayari sa mundo (text to world).
Prediction (Paghuhula)
Isang pamamaraan sa pag-unawa sa pagbasa kung saan ginagamit ng mambabasa ang mga impormasyong nakalap mula sa akdang binasa o tekstong binasa (pamagat, mga larawan) tungo sa pagkakaroon ng panimulang kaalaman tungkol sa kung saan ang kanyang babasahin. Ginagamit ang Prediksyon bago magbasa, habang at pagkatapos bumasa. Nahihikayat nito ang mga mambabasa na higit na maging aktibo sa pagbabasa at pinananatili nito ang kawilihan ng mga mambabasa, tama man o mali ang kanilang prediksyon.
Questioning (Masining na Pagtatanong)
Sa pamamaraang ito nalilinang ang kakayahan ng mga mag-aaral na magsuri sa kanilang binasa sa pmamagitan ng pagbubuo ng sariling tanong batay sa kanilang binasa. Napalalalim nito ang pag-unawa at paglilinaw sa kahulugan ng mga kaisipan at ideya sa binasa.
Summarizing (Paglalahat)
Ayon kay Rolando Bernales sa kanyang aklat na Pagbasa at Pagsulat, ito ay paglalagom ng mga kaisipan at impormasyong natutunan o nakuha sa akdang binasa. Kailangang magkaroon ng maayos at sunod-sunod na pagpapahayag ng mga pangyayari.
Sa pamamaraang ito natutukoy ng mga mambabasa ang pinakamahahalagang ideya/kaisipan mula sa binasa at naisasalin ito sa sarili nilang pagpapahayag.
Visualizing (pagbuo ng biswal na imahe)
Ang mga mag-aaral ay nakabubuo ng imahe mula sa binasa/napanood/napakinggang teksto o akda. Sa pamamaraang ito nagagamit ng mga mag-aaral ang kanilang malawak na imahinasyon sa pag-unawa sa binasa. Madali nilang nauunawaan ang pangyayaring nagaganap,ang tagpuan, at ang mga tauhan sa akda gamit ang kanilang imahinasyon.
Mahalaga ang pagbasa nang may pag-unawa sa buhay ng tao. Halos lahat ng kaalaman ay nasusulat, sa pagbili ng pagkain, gamut, bahay na titirahan, pagpasok sa trabaho, at kahit sa paraan ng transportasyon. Isa ito sa pinakamahalagang bagay na dapat taglayin ng tao. Ito ang nagsisilbing daan ng kanyang tagumpay, kaligtasan at mabungang pamumuhay.
By: Mrs. Marcela S. Sanchez | Master Teacher I | Bataan National High School | Balanga, Bataan