Halos lahat ng Pilipino ay alam ang kasabihang “ pag may tiyaga, may nilaga.” Isa itong katangian na magdadala sa isang tao sa tagumpay. Kahit gaano katalino o kayaman ang isang tao, kung kulang siya sa tiyaga, ay malamang na hindi niya makamit ang lubos na tagumpay.
Alam nating lahat na hindi madaling makamit ang tagumpay. Maraming balakid ang hahadlang sa daraanan ng isang nilalang bago niya marating ang rurok ng tagumpay. Maraming abilidad o katangian ang kinakailangan upang malampasan ng lahat ng mga hadlang. Hindi lamang determinasyon, imahinasyon at katapangan. Kailangan natin ng lakas ng loob na malampasan ang mga paghihirap, kabiguan at ng anumang mabigat na pangyayari. Ang mga ganitong mga stiwasyon ang tutulong na magsumikap pa upang makamit ang tagumpay.
Dapat tandaan ng bawa’t isa na upang makamit ang tagumpay kailangang panatilihin ang tyong pag-asa at layunin. Hindi dapat mawalan ng pag-asa kahit anupamang pagsubok ang dumating. Tandaan ang kasabihang, “ Ang pag-asa ang haligi ng mundo, ngunit ang pag-asa na walang pagkilos ay walang saysay.” Tambalan ang pag-asa ng sipag at tiyaga. Tiyak ang tagumpay kapag ginamit ang pormulang ito.
Halimbawa, kung nais mong maging isang pinuno ng iyong departamento, huwag kang tumigil sa pagdalo sa mga pagsasanay, sa mga seminar na makatutulong saiyo. Lalo mo pang itaas ang iyong mga kaalaman sa pamamagitan ng pag-aaral sa Graduate School ng Masteral o Doctoral Course, ito ay makatutulong sa iyo sa hinaharap.
Pihadong darating ang mga sandaling panghihinaan ka ng loob, sapagkat katulad mo ay marami ding nais maging matagumpay sa inyong larangan. Kung gusto mong maging isang Department Head at may pangarap kang maging isang school principal, ay tiyak na may makakatunggali ka din na may kaparehong pangarap. Marami din siyang mga nakahandang papeles na magagamit.
Ngunit, may dalawa kang pagpipilian. Maaari kang umatras at tanggapin ang pagkatalo o harapin ang hamon at gawin mo ang lahat para ikaw ang magwagi. O, ano, handa ka ba sa:hamon o tatanggapin mo na lang ang pagkatalo?
Sanggunian:
K. Blanchard. The Heart of a Leader. Jaico Publishing House USA ,(2010)
By: Maricris Sison | Teacher I | Bataan National High School City of Balanga, Bataan