Kung paano ka naging bata ay makakaapekto sa buhay mo sa iyong pagtanda.
Ako ay isang batang 90’s. Napakasarap maging batang 90’s dahil ang relasyon ko sa aking mga kababata at kalaro ay nahubog ng tuwirang pakikihalubilo sa aming paglalaro at kuwentuhan. Ang mga laro namin noon ay piko,sekyu,syato,tumbang preso,langit lupa,labanang gagamba at marami pang iba na halos lahat ay sa labas ng bahay namin ginagawa. Hilig din namin ang panonood sa telebisyon tulad ng Cedie ,Sarah ang Munting Prinsesa,Superbook and the Flying House at ang mga superheroes na sina Shaider,Bioman,Maskman,Mask Rider Black at Ultraman Ace. Nakatuwaan din namin basahin ang funny Comics at ng maging hayskul naman ay natutunan ko din magbasa ng pocketbook Ialo na nina Helen Meriz at Gilda Olvidado.
Sa paaralan ay di lamang kami natutong mag aral sapagkat sinamahan din namin ito ng laro at kulitan. Natutunan ko din maging masipag sa pagpunas ng mga bintana,maayos na pagwawalis gamit ang tambo at tingting,pagtatanim kasama na ang pagdidilig at pagdidisenyo ng aming silid. Uso na din ang mga ligawan noon sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga “love letters”. Sa oras naman ng klase o ng aming pag-aaral ,hindi ko makakalimutan ang mahabang mga pakopya ng aming mga guro,ang kanilang pagtatalakay gamit lamang ang aklat o ang sarili lamang nilang kaalaman o pang unawa sa aming paksa,ang aming mga dula-dulaan na amin pang iniensayo kahit na sabado o linggo.May mga pagkakataon na kami ay inaantok subalit sa takot namin sa aming guro ay pilit namin sinusubukan na huwag kaming makatulog dahil baka kami ay mapahiya lamang. Kahit kailan ay di ko din nasubukan na hiraman ng bolpen o lapis ang aming mga guro at bihira kung sila ay aking kausapin at biruin.
Ngayon ako ay guro ng modernong panahon. Kapansin-pansin sa aming mga guro na di naman nagbago ang mga kabataan ngayon mahilig pa din sila sa mga laro sa makabagong paraan tulad ng mga video games na nada-download o online games sa mga internet. Nakatutuwang isipin na di mo na kailangan mabilad sa araw( na naging sanhi ng pagkakaroon namin mga bata noon ng kuto sa ulo) upang makalaro ang iyong kapitbahay o paboritong kaklase na malayo ang bahay sapagkat sa isang click lamang ay maaari na kayong mag- usap at maglaro. Hindi na lamang ang telebisyon ang panoorin ngayon ,hilig din nila ang “youtube”. Simpleng kaligayahan ng mga kabataan ngayon na mai-share ang mga larawan na selfie o groufie,mga videos,quotes,jokes o mga saloobin nila sa kanilang mga karanasan gamit ang facebook,twitter,instagram at marami pang iba na minsan ay nauuwi sa kuwentuhan sa mga “comments” o “private message ” at sa “chat box”. Konsolasyon sa kanila na maraming maglikes sa mga posts nila na ito. Mahilig pa din sila magbasa gamit ang wattpad at ang mga kwento ni Bob Ong.
Mas marami ng bilang ng estudyante ngayon sa bawat seksyon kaya mas hirap na sila o iilan na lamang ang naliligayahan na mautusan o magkusang maglinis ng silid-aralan. Marami na din ang mahirap ngayon kaya naman ang iba sa kanila ay tumutulong sa paghahanapbuhay o pag aalaga ng nakababatang kapatid o pag aasikaso sa gawaing bahay kung kayat pagdating sa paaralan sila ay pagod na at sa uwian ay nagmamadali na din umuwi. Ang ligawan nila ngayon ay dinadaan pa din nila sa pagsulat gamit ang text messages sa cellphone o pagmensahe sa email o facebook.Sabay-sabay pa din sila nagkekwentuhan sa kanilang mga nilikhang group page o group message. Sa pagtuturo sa kanila kailangan ka ng gumamit ng makabago ding teknolohiya at istratehiya upang maging epektibo na maituro sa kanila ang mga aralin. Mas malakas na ang loob ng mga kabataan ngayon na sabihin ang kanilang mga saloobin maging sa kanilang mga magulang at mga guro ng walang takot na mahusgahan sila o mapagalitan ng seryoso dahil nahubog na ang demokrasya at mga karapatan ng ating mga kabataan. Ang pagkawala ng takot ng mga kabataan sa mga guro ay isa din namang magandang senyales ng liberal na kaisipan na malaya at bukas nila itong maipapahayag ang lahat ng kanilang iniisip at saloobin.
Bilang isang guro at batang 90’s ,nakikita ko na ang mga bata ngayon ay tulad pa din ng kalikasan ng isang bata na kailangan ng gabay ng pamilya at paaralan. Ang kanilang ikabubuti o ikasasama ay may malaki o maliit na bahagi ang bawat matanda na kanyang nakakasalamuha.
By: Jasmine C. Alcid | T-I | Limay National High School