Sa wakas nagsimula.
Nag-iisa sa gitna ng kadiliman, hindi matanaw ang hangganan. Bumuhos ang ulan, lumakas ang paghampas ng alon sa aking sinasakyan na nagdulot ng pagkasira ng aking sagwan. Gumuhit ang kidlat sa madilim na kalangitan. Nagsimula na rin ang karagatan na ihele ako tulad ng isang sanggol sa duyan, subalit sa marahas na paraan at kung magpapadala sa antok ay wala ng bukas na daratnan. Binulabog ng kulog ang aking tainga na tila ba’y isang higante na kumakalam ang tiyan, na sinabayan pa ng pagbulong ng hanging amihan ng mga katagang, “Kay sarap mong lantakan.” na nagbigay kilabot sa aking katawan.
At doon, nilamon ako ng daluyong—hindi makahingi ng tulong. Malamig ang tubig. Pinilit kong lumangoy upang sumagap ng hangin, ngunit ng dahil sa pagbabanggaan ng malalaking alon ay naging imposible iyong gawin. Unti-unti na rin akong tinatakasan ng lakas at kasabay nang aking marahang paglubog sa kaibuturan ng dagat, ay ang pagpasok sa aking isipan ng tanong na hindi tiyak ang kasagutan.
Ito na ba ang katapusan? Susuko na lang ba talaga ako ng tuluyan?
Hindi. Iginiya ko ang aking kamay at paa sa paraan ng paglangoy at sinimulang hawiin ang tubig. Hindi ito naging madali, ngunit ng matutunan kong sabayan ang alon at gawing lakas ang nanghihina ko ng katawan, doon ko na nakamtan ang aking inaasam. Lumangoy ako nang lumangoy, hanggang sa marating ko ang pampang, at kasabay ng pag-ahon ko mula sa hirap na kinaharap, ay siya namang pagsikat ng araw sa silangan.
Kinuha ko ang pluma kong nagsilbing aking sagwan at ang papel na tumayong aking sasakyan, saka hinayaan ang aking kamay na pagsayawin ang panulat sa malinis na puting papel, sa loob lamang ng nalalabing mga oras na pinagtibay pa ng RA. 7079 o ang Campus Journalism Act of 1991. Ngayon, tiyak ko na ang kasagutan. Hindi pa ito ang katapusan, sapagkat ito pa lamang ang simula.
Nagpatuloy sa pag-indayog ang aking pluma sa papel na naging etablado niya, sinasabayan ang ritmong nabuo sa paulit-ulit na paghampas ng tubig sa dalampasigan. Nang matapos ay saka ko naman kinumpuni ang aking nasirang bangka. Tinagpian ko ng iba’t ibang anyo ng papel ang mga butas, at pinagtagpi-tagpi ang mga letra upang pagsamahin ang mga nawasak na parte. Itinulak ko ang bagong gawa kong maliit na sasakyang pandagat
Sa wakas.
Sinuong kong muli ang landas patungo sa katuparan ng aking mga pangarap. Suot ang balabal na hinabi gamit ang ilang libong mga magkakaugnay na kataga, at pinaresan pa ng abot langit na ngiti. Ako’y nagpakawala nang malalim na buntong hininga, habang hindi pa rin nawawala sa’king labi ang nabuong kurba. Binuksan ko ang aking mga mata’t maging ang aking isipan, kasabay ng pagbukas ng pahina ng aklat na nagsilbing aking layag.
Nagsimula.
Umarangkada na ako na dala lamang ay panulat at walang katapusang pag-asa, na kung bagyo sa pagpalaot ko’y muling makasagupa—ako’y mas matibay na, tulad ng kawayan o ng puno ng narra. Muli, ako’y nag-iisa na naman sa gitna ng kadiliman. Hindi matanaw ang hanggganan subalit nagpatuloy sa pagsagwan. Puno na ng mga tala ang kalangitan, payapa na rin ang karagatan. Nasasamyo ang kakaibang amoy na dala ng hanging amihan, na nagbigay kalakasan sa aking katawan. Wala na ang mga kulog na mapambulabog. Wala na ring mga kidlat at tanging ang mainit na likido lamang na nagmula sa aking mga mata, ang gumuhit sa aking pisngi. Wala na ang naglalakihang daluyong na sa aki’y lalamon,’pagkat hindi ki na hahayaang kainin akong muli ng takot.
Sa wakas nagsimula.
Sa wakas ng bagyo, nagsimula ang pagbangon, ang pagtayo. At sa karagatan ng pamamahayag, sa dagat kung saan dumadaloy ang mga katagang nagbibigay buhay sa aking diwa—nagwakas ang simula ng marami ko pang…
Paglalayag.
“Juan, yaong facemask mo nakababa.” at doon, nagbalik ako sa reyalidad.
Reference:
Ridon (2013), Republic of the Philippines, House of Representatives, Sixteenth Congress, House Bill no. 1493. Quezon City, Philippines.
By: Johnna A. Cordero