Maraming guro ng kasaysayan ang patuloy na nag-iisip ng mga magagamit na mabisang istratehiya, dulog at mga paraan kung papaanong higit na mauunawaan ng mga mag-aaral ang asignaturang Kasaysayan. Madalas ay tila walang gana o di interesado ang mga mag-aaral na palaging ang aklat batayan ang inaasahan at ginagamit sa pagtalakay ng mga paksa sa asignaturng kasaysayan.
Malaki ang maitutulong nang paggamit ng mga kwento, tula, pelikula, mga liham at iba pa upang maunawaan ang kasaysayan ng sarili nating bansa o maging ng ibang bansa man. Halimbawa, sa sulat na may pamagat na “A Letter from Tirad Pass”, na isinulat nina Danton Romero at Ruel De Vera, sinasabi sa liham ang pagkainip ni Gregorio Del Pilar sa paghihintay kay Heneral Emilio Aguinaldo sa Tirad Pass. Pinaalam niya sa liham/tula ang kanyang katapangan , ganoon din ang mga sundalo, ngunit ito ay may kahalong pangamba, na kung buhay pa sila kinabukasan. Ang liham/tula ay payak at tila ito ay may himig, bagama’t ang nilalaman ay matapang at wala itong regular na tugma.
Kung madadako naman ang talakayan sa paksang liberation o mga taong 1944-1946, maaari namang gamitin ang alaala o nilalaman ng mga naisulat sa “Diary”. Sa naitala naman ni Carmen Guerero Nakpil sa kanyang kathang “Myself, Elsewhere” ay tinalakay niya ang “Peacetime” sa Ermita hanggang sa ito ay mawasak sa pagsalakay ng mga kaaway.
Samantalang ang mga isinulat at inilarawan ng manunulat ng kasaysayan na si Ambeth Ocampo, ay inalayan niya ang mga mambabasa ng mga nakaaaliw at magaan na bahagi ng kasaysayan. Halimbawa, ang paboritong ulam sa almusal ni Jose Rizal, na si Emilio Aguinaldo ay naoperahan dahil sa Appendicitis, samantalang si Apolinario Mabini naman ay paborito ang gatas ng kalabaw.
Ang Pananakop ng mga Hapones ay napagaan naman ni Pacita Pestaño Jacinto para naman lubos na maunawaan ito ng mga mag-aaral sa kanyang “Living with the Enemy”,” A Diary of the Japanese Occupation”.
Tunay na lalo pang mauunawaan ng mga mag-aaral ang bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas noong panahon ng pananakop ng mga Hapones at liberation sa tulong ng paggamit ng iba’t ibang uri ng panitikan at multimedia. Marami nang naisapelikulang paksa tungkol sa mga bahagi ng kasaysayan. Dapat gumawa ng paraan ang mga guro na mapanood ito ng mga mag-aaral.
Malaking tulong din ang pagbisita sa World War II Museum na matatagpuan sa Balanga Elementary School sa Balanga City, na kung saan naka Tableau ang Death March at my life size pictures ng mga pangyayari, noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Sanggunian:
De Rivera, Diaz B.L Literature as Handmaids of History, The RAP Journal Vol XXX (2007) RAP Publishing
By: MARITES D. DE SILVA|TEACHER III|BATAAN NATIONAL HIGH SCHOOL|BALANGA, BATAAN