Panahon na naman ng pagtatapos ng mga mag-aaral sa mataas na paaralan.
Ang pagtatapos ay sagisag ng tagumpay para sa mga mag-aaral tungo sa isang panibagong panimula. Ito ay hindi lamang tagumpay ng isang nagtapos, tagumpay rin ito ng mga gurong hindi nagsawang gumabay sa mga kabataan sa kanilang pag-aaral. Higit sa lahat, ang pagtatapos ay sumisimbolo sa mga magulang na nagsakripisyo ng panahon, dugo, at pawis upang mapagtapos ang kanilang mga anak.
Ang pagtatapos ay maaring bigyan ng kahulugan tulad ng isang bagong pagtunghay sa unang pahina sa bagong kabanata ng buhay. Ito ay isang pagbabalik-tanaw sa mahabang panahon na nagdaan sa pag-aaral. Ganoon din naman, ito isang inspirasyon upang bumuo ng pananaw sa pangako ng hinaharap.
Ang makatapos sa mataas na paaralan ay kahandaan sa pagharap sa mga bagong hamon ng buhay. Isa itong panibagong simula at maari rin namang isang itong paghihiwalay ng landas na maaring pamilian. Salig sa K-12 kurikulum, ang mga mag-aaral na nagsipagtapos ay nabibigyan ng isa sa dalawang bagay na kanilang maaring naisin na pag-ukulan ng kanilang mga panahon. Una ay ang pagkakataong maipagpatuloy ang pag-aaral na tapusin ang kurso sa pamantasan sa larangang kanilang ninanais na maabot. Ikalawa ay ang malayang magamit nila ang mga talento at kasanayang inani sa pag-aaral upang sila ay makapaghanap-buhay at makapagpundar ng kanilang mga sariling negosyo na pagkakakitaan. Alinman sa dalawang patutunguhan ang mapili, maituturing din na isa na itong katibayan na dadalhin nila tungo sa isang magandang bukas. Ang mahalaga ay ang mabigyan nila ng pagkakataon ang kanilang mga sarili na manangan sa pag-asa upang magkaroon ng katuparan ang bawat pangarap para sa sarili at mga mahal sa buhay. Ang makatayo sila sa sarili nilang mga paa upang harapin ang mas malalaking hamon ng buhay ay tulad na rin ng pagtatayo ng bantayog para sa bagong pasimula.
Ang pagtatapos ng mag-aaral sa mataas na paaralan ay dapat tingnan na may pantay na unawa. Hindi marapat na husgahan ang kakayahan ng bawat mag-aaral sa kung may mga parangal o wala man silang natanggap sa seremonya ng pag-akyat sa entablado. Isa lamang ang parangal na natatangi para sa kanilang lahat, dumating na ang oras upang batiin ang bawat isa sa kanila ng mainit at makataong pagtanggap sa lipunan bilang malayang mamamayan. Ang oras ng pagtatapos ay maituturing rin ng pagsasabit ng medalya ng pag-asa sa bawat isa sa kanila. Ang medalya ng pag-asa ng lipunan lipunan para sa bansa, na magsisilbing puhunan ng sambayanan sa pag-unlad at mabuting pagbabago.
Sa kabilang banda, hindi rin naman maikakaila na may ilan rin sa hanay ng mga mag-aaral ang hindi nakasama sa piging ng pagtatapos. Sa halip na manlumo marahil isa itong magandang pagkakataon upang mapagtuunan ang masusing pag-aaral upang maiwasto ang ilang pagkukulang na hindi naisakatuparan. Ang ugat ng mga kakulangang ito kung mabibigyan ng atensiyon at prayoridad ay susi sa pagtatagumpay ng ating mga kabataan. Pagpupunyagi ang habilin natin sa kanila upang sila ay huwag mawalan ng loob upang makabuo ng kanilang pangarap. Ang pagkabigo ay pansamantala lamang at ito ay magsilbing inspirasyon na higit na magpapatibay sa kanila upang makatapos sa susunod na panahon. Walang puwang sa pag-asa ang pagsuko, kailangan nilang bumangon, kailangan silang tulungang makabangon upang patuloy na harapin ang mga hamon sa buhay.
Isang maalab na pagpupugay naman ang ating ilaan para sa lahat ng mga nagtapos sa mataas na paaralan. Samahan natin sila sa pasimula ng bagong araw sa buhay upang makamit nila ang mga susunod pang yugto ng pagtatagumpay.
By: Mel Kathlyn C. Basilio| Teacher III| Filipino Department – BNHS| City of Balanga Bataan