Sa landas ng dalisay na ilog ng Kaalaman, nagtungo ako sa dakilang bayan ng Karunungan. Ang parangal ng bawat hakbang ay taglay ng mga tala ng kaisipan, tila mga bituing nangniningning sa aking kapalaran. Magiliw ang pagbati ng bawat nilalang, anino ng pagtitiyaga’y kanilang taglay.
Tinahak ang daan ng aklat ng Panitikan, aklatang nagdulot ng liwanag sa puso, diwa’t isipan. Parabula ng buhay, mga pangaral ay hinugis, tanging mga talulot ng aral at talinghaga ng buhay ang inaani’t pinang-aliw sa diwang ginigiyagis.
Sa silong ng puno ng Kaalaman, ako’y sumandal, namulaklak at inusbungan ng sibol ng karunungan. Hindi man magpakita ng agos ang batis ng kaalaman, sa talinong ipinamana at iniyungyong ng malalabay na sanga’y walang pag-aalinlangan.
Tumawid ako sa Ilog ng Matematika, sa kapatagan ng mga bilang at marka. Diwa’y sumigla, gunita’y naglawak, sa pag-aaral ng lapnos kong puso’t pag-asa. Ang bawat numero, parang salita, may kahulugang sikreto’t di mabubura. Tiyaga at hirap ay tangan kong kasama, walang pagod sa landas na ito, tagumpay ko’y pagsasalin sa wika ng unawa.
Sa ginalugad na gubat ng Agham, mga tanong ay nag-uumpugan, nag-uunahan. Tugon ay di basta nasusukat, tila isang labirintong walang katapusan, walang hangganan. Ngunit pagtakbo ng utak, tulad ng pagsabog ng bituin, umaalpas sa alituntunin. Ang pagtuklas sa misteryo, tagumpay ay isisilang, sa pag-unawa sa kalikasan, kayamanan ay matutuklasan.
Subalit sa nilakarang libis ng Kasaysayan, mga sugat ay lumuluha. Mga kuwento ng hapis at dugo, kabayanihan at pagpupunyagi, nakaukit sa mga pader ng bawat pahina. Ang pag-alsa ng karunungan, diwa ng kalayaan, humuhugot sa puso, di-mabilang na alaalang di malilimutan.
Sa nilangoy na nag-aalimpuyong agos ng Banyagang Wika, pilit ninanamnam, inuunawa. Sa pag-inog ng mundo, taglay ang globalisasyon at pagbabago. Sagwan at bangkang sandata sa paglalakbay, katumbas ay kaunlarang pinapangarap at inaasam.
Matapos ang mahaba at nakapapagal na paglalakbay, halina kata’y mamahinga sa batis ng Kabutihang Asal. Uhaw ng kaluluwa’y tighawin, pananampalataya ay busugin. Sa batis, tubig na nagbibigay pag-asa ay walang tigil na lumalagaslas. Naghihintay lamang na iyong lagukin at sa pagpapatuloy ng paglalakbay ay maaaring baunin.
Sa Pagtuklas ng Karunungan, mga talinhagang di-malilimot, tila kodigo ng kautusan, nagtanghal sa aking isipan. Kahirapan at tagumpay, pag-ibig at pakikibaka, mga pahiwatig ng karunungan, sa diwa’y magpapatuloy. Walang katapusan, hanggang-hanggang, kasama ang bawat pag-alsa at pagpupunyagi, hanggang sa magdapit hapon…
By: JOVELYN GABRIEL-DINGLASAN|TEACHER II|Olongapo City National High School|Olongapo City