Pakikibaka sa gitna ng pandemya

Hindi maikakaila na bukod sa banta sa kalusugan magmula nang kumalat ang COVID-19 noong 2020, naging malaking dagok din ito sa ekonomiya hindi lamang sa ating bansa kundi maging sa buong mundo. Maraming industriya ang labis na naapektuhan.  Marami ang napilitang magbawas ng manggagawa o ‘di kaya ay tuluyang magsara. Hindi mabilang ang naalis sa…


Hindi maikakaila na bukod sa banta sa kalusugan magmula nang kumalat ang COVID-19 noong 2020, naging malaking dagok din ito sa ekonomiya hindi lamang sa ating bansa kundi maging sa buong mundo. Maraming industriya ang labis na naapektuhan.  Marami ang napilitang magbawas ng manggagawa o ‘di kaya ay tuluyang magsara. Hindi mabilang ang naalis sa trabaho, nagutom, at nawalan ng pag-asa sa nakalipas na dalawang taon.

Bukod sa sektor ng kalusugan, ang industriya ng edukasyon ay isa rin sa higit na pinakanatamaan ng pandemya. Ang ibang negosyo ay maaaring huminto o humanap ng ibang paraan ngunit ang edukasyon ay hindi natatapos. Hindi tumitigil ang pagdaloy ng kaalaman sa kabila ng banta ng pandemya. Dahil dito, napilitan ang industriya na gumamit ng isang sistema na maaaring ipagpatuloy ang pag-aaral nang hindi lumalabas sa sariling tahanan – ang remote at distance learning.

Sa pagpapatupad ng sistemang ito, iba’t ibang suliranin ang hinarap hindi lamang ng mga mag-aaral kundi lalo ng mga guro. Ito ay isang malaking hakbang at labis na iba sa kinagisnang paraan ng pagtuturo bago ang pandemya. Napilitan ang mga guro na matuto at maging maalam sa computer para sa online classes. Nadagdagan ang kanilang gawain sa paghahanda at pamimigay ng modules para sa modular learning. Labis na sakripisyo at pagtitiis, pero patuloy nilang ginagawa upang maituloy ang nasimulan.

Sabi nga ng mga kabataan, “The struggle is real.” Kahit na patuloy ang pagsisikap, hindi pa rin nawawala ang problema. Nariyan ang kakulangan ng pondo upang makapaglimbag ng kopya ng modules para sa bata. Sa pagnanais na maabot ang lahat, kadalasan nga ay nanghihingi na sila ng tulong pinansyal upang makabili ng papel at ink hindi lamang sa mga magulang kundi maging sa komunidad. Huli na nga minsan ang sahod, kailangan pa nilang mag-abono upang mapunan ang anumang kakulangan. Mas sanay man sa pagtuturo na kaharap ang mag-aaral, pilit pa rin nilang sinasanay ang mga sarili upang makasunod sa uso at matawag na tech savvy.

Ilan lamang ang mga ito sa hinaing at hadlang na kinakaharap ng ating mga guro. Kung tutuusin ay mas madali nga namang itigil na lamang ang sistema pansamantala. Mas madali nga naman ang buhay kung hihintaying bumalik sa dating mga buhay bago magpatuloy sa pagtuturo. Dala dala ang misyon, sila ay hindi nagpapadaig. Patuloy silang magtuturo, lalaban, at maniniwala na sa kanilang simpleng sakripisyo ay mabago ang mundo para sa susunod na henerasyon.

By: Mr. Noel Aratan Mendoza