Magising ka madla sa’yong kahibangan,
Ang pagkasadlak mo’y wag mo nang abangan,
Ibangon at linisin ang ‘yong pangalan,
Huwag hayaang tuluyang mayurakan.
Laganap ng lubos panggap sa’ting mundo,
Nababalutan ng pagbabalat-kayo,
Maging mapagmatyag ka sa ibang tao,
Lalo na sa taong kumakandidato.
Matamis na salita’y ‘wag mong sandigan,
Dahil hindi ‘yan ang tunay na batayan,
Tingnan mo ang gawa, ‘di lang ang isipan,
May malasakit ba sa ‘ting mamamayan?
Mahal kong Pilipino ‘wag kang masanay,
Na sumuporta’t magmahal ng kaaway,
Akala mong ginto iya’y hindi tunay,
Isang pekeng anyong kikitil sa buhay.
Gisingin ang puso, buksan mo ang mata,
Huwag hahayaang daya’y mabitag ka,
Tayo’y lakas ng bayan, ‘wag kalimutan,
Pagkakaisa tunay na kalayaan.